Russian submarine sa West Philippine Sea ikinaalarma
MANILA, Philippines — Ikinabahala nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva ang presensiya ng isang Russian Attack Submarine sa West Philippine Sea.
Ayon kay Estrada, ang pagkakaroon ng mga dayuhang asset ng militar, lalo na ang mga may kakayahan sa opensiba, ay nagpapataas ng panganib ng hindi pagkakaunawaan sa isang sensitibong rehiyon
“Hinihimok namin ang mga kinauukulang awtoridad—ang Department of National Defense, ang Armed Forces of the Philippines, at ang Department of Foreign Affairs—na gumawa ng agarang aksyon at linawin ang mga intensyon sa likod ng paglusob na ito,” dagdag ni Estrada.
Sinabi naman ni Villanueva na binibigyang-diin ng sitwasyon ang pangangailagan para sa mas mataas na pagbabantay sa karagatan ng Pilipinas.
Naniniwala rin si Villanueva na dapat magamit ang Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act para maprotektahan ang teritoryo ng bansa.
Napaulat na ang Russian attack submarine ay lumutang sa WPS noong nakaraang linggo ay ang Ufa ng Russian Navy, isang Kilo II-class na diesel-electric submarine. Una itong namataan sa layong 80 nautical miles kanluran ng Occidental Mindoro.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na ang isang submarine ay kalimitang nakalubog kapag naglalakbay at kung ito ay nakalutang, posibleng may problema sa kondisyon nito,
Idinagdag ni Pimentel na dapat alam ng Department of Foreign Affairs at ng Department of National Defense ang detalye sa insidente at kung ito ay “emergency situation” o hindi.
- Latest