VP Sara: ‘2022 presidency was mine already’
MANILA, Philippines — Nakatitiyak si Vice President Sara Duterte na siya ang panalo kung tumakbo siyang presidente noong 2022.
Tugon ito ni VP Sara sa pahayag ni Zambales 1st District Rep. Jefferson ‘’Jay’’ Khonghun na ang kasalukuyang tunggalian sa pulitika ay nag-ugat sa kanyang ambisyon na maging presidente sa lalong madaling panahon.
“Nagsimula lang naman ang kaguluhan na ito noong mangarap ang ating bise presidente na maging presidente nang maaga. Nung mangarap ang dating presidente na paupuin ‘yung kanyang anak na magiging presidente kaagad. Dun naman nagsimula ang lahat ng ito,” ani Khonghun.
Sinagot ito ni VP Duterte na ang 2022 presidency ay para na sana sa kanya dahil sa buong suporta nito sa mga Filipino.
“Unang-una, the presidency of 2022 was mine already. Nanalo na ako sa surveys, lahat ng tao solid na, united na for my candidacy pero I gave it away because I felt I had to do some other things other than being president of the Republic of the Philippines,” ani Duterte.
Desisyon niya rin umanong huwag tumakbo sa pagka-Pangulo noong 2022 dahil nais niyang ipagpatuloy ang kanyang termino sa Davao City nang mga panahong iyon.
Matatandaan na unang naghain si Duterte ng kanyang kandidatura bilang alkalde ng Davao City. Nang maglaon ay nagpasyang tumakbo kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, ang hindi magandang pagtrato ng mga mambabatas ang tunay na dahilan ng kaguluhan sa politika.
‘’Huwag nila akong i-gaslight into saying na ako ang dahilan ng kaguluhan na ito. Ang kaguluhan na ito ay nagsimula sa terrorism nila, sa harassment nila, sa threats nila sa mga personnel ng Office of the Vice President,’’ ani Duterte.
Iniimbestigahan ng kongreso si Duterte dahil sa kanyang paggamit ng confidential funds na para sa bise presidente ay isang uri ng political persecution.
Kinumpirma naman ng VP na dadalo siya sa susunod na pagdinig ng Kamara sa usapin.
- Latest