Sermon sa misa paikliin sana
ISA sa pinakamahusay mag-homiliya si Bishop Fulton Sheen. Minsan sa isang kongregasyon hinikayat siya mag-homiliya. Aniya sa kanila, “Kung pagsasalitain ninyo ako ngayon, magdadadaldal ako nang dalawang oras. Kung bigyan niyo ako nang isang linggo para maghanda, sampung minuto lang ako magsasalita.”
Ganun idiniin ni Bishop Sheen ang kahalagahan ng paghahanda. Dapat maghanda para maipaabot ang mensahe sa mga parokyano.
Mahahalata ang pari na hindi handa sa homiliya. Magsasasatsat lang siya sa pulpito. Mababagot, aantukin, maiinis lang ang mga nagsisimba. Naaalala ko nu’ng teenager ako: lumalabas ang mga lalaki para magkwentuhan at magsigarilyo kapag nagsesermon na ang pari.
Isang Linggo kamakailan nagsimba kami ni retiradong Padre Bitoy sa bayan niya sa Bicol. Batang pari ang nag-misa. Dalawamput-apat na minuto ang nakakabagot na homiliya.
Matapos ang Misa niyaya ako ni Padre Bitoy sa sacristy. Malumanay siya nagpakilala sa batang pari, tapos pinayuhan niya ito na ibalangkas muna ang homiliya bago magsalita. Subject ‘yan sa seminary, paalala niya.
Isang Linggo noon nag-misa si Bishop Joel Zamudio Baylon sa aming Parokya. Paksa niya ang Ebanghelyo tungkol sa pagpapasalamat ng ketongin na pinagaling ni Hesukristo. Anim na minuto lang ang sermon ni Bishop Joel pero tagos sa puso ng lahat.
Nu’ng June 12, 2024 pinayuhan ni Pope Francis ang mga pari: Limitahan sa limang minuto ang sermon sa Misa sa mga karaniwang araw, at walong minuto kung Linggo.
Matalino’t moderno si Pope Francis. Alam niya ang bagong pag-aaral: ang optimal attention span ng odinaryong tao ay lima hanggang sampung minuto lang. Ganyan lang kaiksi para magagak natin ang mensahe. Kung mas mahaba riyan, hilo na tayo.
- Latest