Buking ang vote-buying ng party-list group
MAAGANG nahubaran ang party-list na may dalawang letrang pangalan nang mabuking na bumibili ng boto sa pamamagitan ng pag-issue ng mga identification cards sa mga botante sa Benguet.
Tiyak laganap din ang gawain ng nasabing party-list sa Baguio City at iba pang mga lugar dahil laman ng kalsada, umaga at gabi ang mga markadong sasakyan nito sakay ang mga alipores.
Hindi nakunan ng documentary evidence gaya nang litratong naglalarawan sa ilang pirasong P100 kasama ang membership cards sa isang lugar sa Benguet, ngunit inaasahang maraming magbubulgar sa ginagawa ng party-list na ito.
“Nalaglag sa upuan” si Comelec-Baguio election supervisor Atty. JP Martin nang malaman ang pamimili ng boto ng nasabing party-list. Ipinag-utos niya ang pagsisiyasat sa gawain ng naturang party-list. Naberipika na ng Comelec-Baguio na mga rehistradong botante ang nakunan ng camera.
Una nang nangako si Comelec-Cordillera regional director Julius Torres na bubuuin nito ang “Committee on Kontra Bigay” upang masawata ang ganitong pang-iinsulto sa proseso ng halalan at kagustuhan ng taumbayan.
Mahigpit ang tagubilin ng batas at ng Comelec na ipinagbabawal ang pamamahagi ng pera, o anumang bagay na may halaga kapalit ng boto.
Ayon pa sa Comelec, bukod sa maaring arestuhin agad ng mga pulis, sundalo o NBI kung harap-harapang nakikita ang pamimili at pagbebenta ng boto, maari na ring manghuli ang karaniwang mamamayan sa pamamagitan ng “citizen’s arrest”.
Mabigat ang parusa ng pamimili at pagbebenta ng boto na aabot ng anim na taong pagkakulong at diskwalipikasyon mismo ng kandidato.
Kapag hindi gumawa ng konkretong aksyon ang Comelec sa vote-buying at vote-selling na ginagawa ng party-list sa Benguet at Baguio, patuloy na yuyurakan nito ang kredibilidad ng halalan. Kilos Comelec. Maging mapagmatyag din ang mamamayan sa mga maling ginagawa ng kandidato.
- Latest