Sayaw ng Cha-Cha sa dalawang hakbang
Bicameral ang Kongreso. Dalawa ang Houses—ng Senadores at ng Representantes. Hinahalal pambansa ang una, at sa distrito ang ikalawa.
Hiwalay ang poder nila. Senadores ang maari magratipika ng tratado. Representantes ang nagpapanukala ng national budget, buwis, at prangkisa. Sa impeachment, Representantes ang tagahabla at Senadores ang taga-litis. Magkahiwalay sila nagpapasa ng batas.
Saad yan sa iba’t ibang probiso ng 1987 Konstitusyon. Pero mali ang pagsaad ng Artikulo XVII, Seksyon 1. Kung aamyendahan ng Kongreso ang Konstitusyon sa paraang Constituent Assembly, kailangan ng 3/4 boto ng lahat ng kasapi. Lunod ng 300 Reps ang 24 Senadores.
Inapura kasi ang pagtatapos ng 1986 Constitutional Commission. Huling araw pinagbotohan ang anyo ng Kongreso at nanalo ng isang boto ang bicameral kontra unicameral.
Sinasamantala ngayon ‘yan ng People’s Initiative. Ina-advertise na kailangan ang PI para raw alisin ang hadlang sa dayuhang puhunan sa Konstitusyon. Solusyon daw ‘yan sa karalitaan. Pero iba ang pinapirma sa PI—ang sapilitang sabay at iisang pagboto ng Senadores at Reps.
Unang hakbang ‘yan ng sayaw na Cha-Cha. Meron pang ikawala.
Sapilitang bubuksan ng Reps ang Constituent Assembly para raw sa repormang pang-ekonomiya. Pero walang pipigil sa sinumang magpanukala sa CA ng Iba pang amyenda. Maari gawing unicameral ang Kongreso at lusawin ang Senado. Maari palawigin ang termino ng Reps. Maari alisin ang limitasyon para sa kanilang re-election. At lalong maari burahin ang probisyon kontra political dynasties.
‘Yan ang dahilan ku’ng bakit pumirma ang 24 Senadores kontra sa PI. Sa dalawang hakbang ng Cha-Cha, maari silang malusaw.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest