EDITORYAL- Marami na naming nasugatan sa paputok
Kahit ipinagbawal ang paggawa at pagbebenta nang malalakas na paputok, hindi rin ito nasunod. Marami pa rin ang lumabag. At hindi naman naipatupad nang husto ng Philippine National Police (PNP) ang pagsamsam sa mga malalakas at mapanganib na paputok sapagkat maraming nakalusot. Maraming Judas Belt, Sawa, Bawang, Superlolo, Goodbye Earth, Goodbye Philippines, Bin Laden at Piccolo na pinaputok. At ang resulta, marami na namang naputulan ng daliri at nasabugan ng pulbura sa mata noong bisperas ng Bagong Taon.
Ayon sa PNP, umabot sa 324 ang mga biktima nang malalakas na paputok at ganundin sa mga tinamaan ng ligaw na bala na pinaputok naman ng pulis, sundalo at security guard. Ganunman, mababa raw ang mga naputukan ngayon kumpara noong 2018 na umabot sa 700. Wala rin umanong namatay dahil sa indiscriminate firing.
Ang nakapagtataka lamang ay kung paano nakabili nang maraming paputok ang mamamayan gayung ipinagbabawal ito sa ilalim ng Executive Order No. 28 na nilagdaan ni President Duterte noong Disyembre 2017. Hindi naipatupad nang mahigpit ang kampanya o ni-recycle ang mga nakukumpiskang paputok? Ayon sa PNP marami raw silang nasamsam na illegal na paputok sa Bocaue, Bulacan. Saan ito napunta?
Isa naman sa tinitingnang dahilan kaya marami pa rin ang nakapagpaputok at nasugatan ay dahil maaari nang bumili ng paputok on line at sabi ng PNP hindi naman daw ito bawal basta susunod sa Republic Act No. 7183 o ang fireworks law.
Kung puwedeng bumili online ng mga paputok, hindi na maiiwasan na maraming madisgrasya. Patuloy na may mapuputulan ng daliri, braso at mabubulag dahil sa paputok. Hindi matutupad ang nais ng pamahalaan na “zero casualty” kapag sasapit ang Bagong Taon sapagkat maraming paraan kung paano makakabili nang malalakas na paputok.
Ang pinakamainam na solusyon ay manggagaling kay President Duterte --- ipagbawal niya nang lubusan ang mga paputok. Wala nang iba pa para makamit ang “zero casualty’’. Nagawa na niya sa Davao City ang total ban sa paputok at maaari rin niyang magawa sa buong bansa. Ipatupad niya ito sa susunod na taon para wala nang maputulan ng daliri at kamay.
- Latest