^

PSN Opinyon

Saklaan ni Aging

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -

UMABOT na sa 30 puwesto ang sugal na sakla ng gambling lord ng Malabon na si Aging Lisan sa Pasay City. Ayon ‘yan sa pagbubulgar ng mga taga Pasay. Habang namamayagpag si Aging, minabuti naman ni Freddie Cabrera, pinalitan niya na magparaya. Kaya’t ang balakid na lang sa paglawak ng sakla ni Aging sa Pasay ay ang mga barangay kapitan. Balak ni Aging kausapin ang mga kapitan at ipangako na kung magkano ang kinikita nila kay Cabrera ay tutumbasan niya. Wala pang balita kung kailan mag-uusap si Aging at mga kapitan. Ngiting aso naman ang mga alipores ni Calixto dahil nag-umpisa nang tumulo ang gripo nila dahil sa saklaan ni Aging. At ang mga natitirang gambling lords sa Pasay City ay binigyan na rin ng dalawang linggo ng kampo ni Calixto para magsara dahil tulad ni Cabrera, papalitan din sila. Ang bigat talaga ni Mayor Calixto, bulsa ang unang inaatupag.

Habang tumataas ang bilang ng puwesto ng sakla ni Aging, naiwan namang hilong talilong ang PNP. Naging suwelduhan na lang ni Aging ang station at mga PCP commander. At hindi lang ‘yan, bumaba pa ang lingguhang take home ng mga Sirs. Halimbawa si Sr. Supt. Raul Petrasanta ay may take home na P100,000 kada linggo noon, sa ngayon ay P30,000 na lang. Kasi nga ang intelihensiya ni Aging ay direkta na sa kampo ni Mayor Calixto. Ang City Hall ang nasa likod ni Aging kaya’t lahat ng gusto ng huli ay nasusunod. Kung sabagay, hindi lang local na pulisya ang naapektuhan dito sa sakla ni Aging kundi maging ang national tulad ng CIDG, GAB, DILG, STU at iba pa. Get’s n’yo DILG Sec. Jesse Robredo Sir?

May isang siga na PCP commander na ayaw payagan na magbukas si Aging ng limang puwesto sa nasasakupan niya. May tumawag mula sa City Hall at binalaan siya na aalisin sa puwesto kapag nagmatigas siya, kaya’t hayun bukas na ang puwesto ni Aging. May sumubok na mobile car na mag-orbit sa puwesto ni Aging subalit sinabihan sila ni alyas Boyong at kagawad Alex na hindi sila nagbibigay sa orbit. Marami pang kuwento ukol sa pagmamatigas nina Boyong at kagawad Alex sa Pasay sa ngayon na sa tingin ko ay ikinatuwa ni Mayor Calixto. Ang sabi nga ng mga botante, ang taga-Pasay ang nagsaing, si Aging ang kumain.

Ang isa sa pinakamalakas ng puwesto ni Aging ay matatagpuan sa palengke. Tinatawag itong puwesto piho dahil sa araw-araw na bukas ito dahil palaging may nakaburol na patay doon. Kaya ang kapiranggot na kinikita ng mga pobreng kargador, at tindera ng isda ay sa bulsa ni Aging napupunta, di ba Mr. George del Rosario Sir? Ewan, kung naririnig pa nina Calixto at Del Rosario ang paghuhumiyaw ng mga anak ng mga parukyano ni Aging sa gutom na dinaranas dahil sa pagkagumon sa sakla? Kaya hindi malayong dadami ang krimen sa mga darating na araw sa Pasay. Halos lahat ng negosyo sa siyudad ni Calixto, legal man o illegal ay si Del Rosario umano ang binabanggit. Bakit kaya?

Abangan!

vuukle comment

AGING

AGING LISAN

CALIXTO

DEL ROSARIO

KAYA

MAYOR CALIXTO

PASAY

PASAY CITY

PUWESTO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with