Maging mapanuri bago pindutin ang share
Madalas na tayong nagpapasa ng balita o impormasyon sa pamamagitan ng social media lalo na kung nais nating magbigay ng babala, makatulong, o kahit magbigay saya. Naiintindihan ko ang udyok na iyan. Pero kahit mabuti ang hangarin, ang maling abiso na pinasa sa iba na parang tama ay puwedeng magdulot ng kalituhan. Kaya bago pindutin ang share, tingnan muna natin kung sino ang naglabas ng impormasyon, kailan ito inilathala at kung may opisyal na pahayag na nagpapatunay rito.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ng mga kampanya para sa media and information literacy. Madaling sabihing mag-ingat sa maling impormasyon ngunit mas malaking hamon ang gawing ugali ang pagsusuri, lalo na kung ang nagpadala ay kakilala natin o kung tugma ang nabasa sa dati na nating pinaniniwalaan.
Sa pamamagitan ng THINKaMuna Pilipinas, isinusulong ng MediaQuest ang ganitong pag-iingat sa araw-araw. Sa pakikipagtulungan sa mga organisasyong gaya ng Meralco, naihahatid ang usapan sa mga empleyado at iba pang partners nito na may kanya-kanyang komunidad na naaabot.
Bilang pakikiisa sa Global Media and Information Literacy Week ng UNESCO, inilunsad namin sa Meralco ang “Mapanuring Meralco” katuwang ang THINKaMuna Pilipinas. Sa forum, pinag-usapan namin kung paano maging maingat sa binabasa at responsable sa ibinabahagi.
Ayon nga sa aming Executive Vice President at Chief Operating Officer Engr. Ronnie L. Aperocho, nararapat lamang na mas maging mapanuri ang mga tao sa nababasa online dahil sa bilis ng pagkalat ng samu’t saring impormasyon sa iba’t ibang platforms.
“Information can now travel across millions of screens in seconds through various channels. The importance of everyone’s ability to distinguish facts from false narratives has drastically grown. Technology, algorithms, and artificial intelligence have already transformed the way people receive or gather information and form opinions,” saad ni Engr. Aperocho.
[Nakararating na ang impormasyon sa milyun-milyong screen sa iba’t ibang channels sa loob lamang ng ilang segundo. Kaya higit na mahalaga ngayon na marunong tayong kumilatis kung alin ang totoo at alin ang mali. Lalo na’t binago na ng teknolohiya, mga algorithm, at artificial intelligence ang paraan ng pagtanggap at paghahanap natin ng impormasyon, pati na rin ang pagbuo natin ng sariling opinyon.]
Bukod sa makabuluhang forum naglunsad din ang “Mapanuring Meralco” exhibit kung saan binalikan namin ang kasaysayan ng komunikasyon ng kumpanya mula dekada ’40 hanggang sa kasalukuyan. Habang nagbabago ang paraan ng paghahatid namin ng impormasyon, nananatili ang tungkulin naming tiyaking malinaw at tama ang bawat abiso, lalo na kapag may bagyo o aberya sa kuryente.
Kaya sa susunod na may makitang shared post sa social media, hanapin muna natin ang orihinal na post. Kung kumpirmado, iyon mismo ang ibahagi para makita rin ng iba ang petsa, pinagmulan at buong mensahe. Sa simpleng paraang iyan, nakatutulong tayong makarating ang tamang impormasyon sa mga taong nangangailangan nito.
- Latest















