EDITORYAL - Panibagong hakbang sa nuclear power development
Pinag-uusapan ngayon at nagiging malaking balita ang posibilidad na makakuha ang Pilipinas ng $5 billion financing mula sa United States para sa nuclear power development.
Ayon sa Department of Energy, maaaring umabot sa 25 taon ang repayment period at ang pondo ay inilaan para sa private power companies na interesadong magtayo ng nuclear generation projects.
Pero sa ngayon, posibilidad pa lamang ito at wala pang final commitment. Hindi pa tiyak kung magkakaroon ito ng bunga sa hinaharap.
Ganunman, magandang simula ang pagkakaroon ng access sa malaking financing. Kung walang magpi-finance, balewela ang pagpaplano. Pero hindi dapat doon umiikot ang sukatan ng tagumpay.
Ang nuclear power ay nangangailangan nang napakalaking puhunan, mahabang paghahanda at mahigpit na regulasyon.
At kahit private companies ang mangungutang, hindi maiiwasang itanong kung sino ang sasalo sa gastos kung lumobo ang proyekto, ma-delay ang construction o maging mas mahal kaysa inaasahan ang kuryenteng malilikha.
Ayon sa gobyerno, ito ang kanilang target: 1,200 megawatts ng nuclear capacity pagsapit ng 2032, 2,400 MW sa 2035 at 4,800 MW sa 2050.
Kasama rito ang planong paggamit ng micro-modular at small modular reactors.
Pero mismong mga opisyal ang nagsasabing tentative pa ang mas maagang timelines at nakadepende sa licensing, demonstration at delivery progress.
Hindi rin puwedeng mauna ang reactor kaysa regulator.
Dapat din ay may sapat na trained personnel, malinaw na emergency protocols, nuclear-waste plan at masusing site assessment.
Mahalaga ito sa bansang lantad sa lindol, volcanic activity at extreme weather.
May malinaw ding benepisyo ang nuclear: maaari itong magbigay ng tuluy-tuloy na kuryente at mabawasan ang pagdepende sa imported coal at natural gas.
Pero may mga grupong nagsasabing mas dapat unahin ang renewable energy at nananatiling seryoso ang kanilang concern sa safety at gastos.
Kaya hindi dapat madaliin ang nuclear dahil lang may perang maaaring hiramin.
Ang tunay na sukatan ay hindi kung gaano kalaki ang financing o gaano kabilis maitayo ang unang reactor.
Ang mahalaga ay kung ang kuryenteng malilikha ay magiging ligtas, maaasahan at abot-kaya para sa mga ordinaryong Pilipino.
Kapag ang mga ito ay naabot, maaaring ito na ang simula para yakapin ang nuclear energy.
- Latest















