^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Daming Kabataan ang nahuhumaling sa vape

Pilipino Star Ngayon

NASA 47 bansa ang pinagbabawal ang paggamit ng electronic cigarettes (vapes). Sa Asia at Middle East, kabilang sa mga bansang bawal ang paggamit ng vape ang India, Thailand, Singapore, Qatar, Maldives, North Korea, Syria, Taiwan, Laos, Cambodia, Brunei, Bang­ladesh, Bhutan, Iran, Iraq, Oman, Pakistan, Sri Lanka, at Turkmenistan.

Pero sa Pilipinas, walang balak ipagbawal ang paggamit ng vape. Kaya naman, patuloy ang pagdami ng mga kabataang nalululong dito. Noong 2021, naitala na 19 percent lamang ang mga kabataang gumagamit ng vape, subalit noong 2023, naging 24 percent na ito, batay sa report ng Global Youth Tobacco Surbey (GYTS). Patuloy pa sa pagdami ang mga kaba­taang gumagamit ng vape. Sa kasalukuyan, maraming strategy ang ginagawa ng vape ma­nu­facturers para mahikayat ang mga kabataan na gumamit nito. Iba’t ibang flavors ang kani­lang inaalok at ginagawang makulay ang mga pakete upang maakit ang mga kabataan na edad 13-15.

Isa sa mga dahilan kaya maraming kabataan o estudyante ang nagbi-vape ay sapagkat madali silang makabili. May mga vape shop sa malapit sa school. Kahit bawal ang vape shops sa bisinidad ng paaralan, hindi ito nasusunod.

Dahil nakaaalarma na ang pagdami ng mga kabataang gumagamit ng vape, nananawagan ang Department of Health (DOH) na tuluyan itong ibawal.

Ayon sa DOH, nililinlang ng manufacturer ang mga kabataang gumagamit ng vape. Sina­sabi ng manufacturer na walang nicotine ang vape at mahusay na alternatibo sa sigarilyo­. Ayon sa DOH, may nicotine at iba pang kemikal ang vape. Mapanganib ang usok ng vape hindi lamang sa gumagamit kundi sa iba pang nakalalanghap nito. Isang paraan, ayon sa DOH para mailigtas ang mga kabataan sa pagkahumaling sa vape ay ang total ban nito. Ang Vape Bill ay nagkabisa noong Hulyo 2022. La­yunin ng batas na ma-regulate ang importas­yon, pag­gawa, pagbebenta, distribusyon, at pag­gamit ng vapo­rized nicotine at non-nico­tine products. Subalit hindi nasusunod ang batas sapagkat lumaganap ang pagpupuslit ng vape products. Maraming vape importers ang hindi nagbabayad ng buwis.

Mapa­nganib sa kalusugan ang vaping kaya nararapat ipagbawal. Ang vape ay may nico­tine, propylene glycol, carbonyls at carbon mono­­xide na nagdudulot ng lung cancer. Noong 2018, na­itala ng Pilipinas ang kauna-unahang vape associated lung injury na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae. Nakuha ng babae ang sakit dahil ang mga kasamahan sa bahay ay gumagamit ng vape.

Iligtas ang mga kabataan sa mapanganib na vape. Maagang kamatayan ang kanilang kahahantungan kung hindi ito ipagbabawal.

VAPES

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with