‘Kidnapping’ ang pag-aresto kay Duterte - Roque

MANILA, Philippines — “Kidnapping ito!”
Ito naman ang iginiit ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na ang pag-aresto at agarang paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay isang “kidnapping” at lantarang paglabag sa international legal standards at due process.
Si Roque, na kasalukuyang nasa The Hague upang tumulong sa depensa ni Duterte, ay nagbabala sa isang “government-orchestrated abduction.”
Inakusahan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., National Security Adviser Eduardo Año, at Interior Secretary Jonvic Remulla ng pagsasagawa ng isang extra-judicial transfer na labag sa batas.
Tinukoy ni Roque ang Article 59 ng Rome Statute, na malinaw na nagsasaad na ang sinumang akusado ng ICC ay dapat munang iharap sa isang competent judicial authority sa sariling bansa upang patunayan ang bisa ng arrest warrant, kilalanin ang pagkakakilanlan ng akusado, at tiyakin na hindi nilabag ang kanyang mga karapatang legal.
“Ayon sa Rome Statute, dapat dinala muna si Duterte sa isang local court upang tiyakin ang legalidad ng kanyang pagsuko. Sa halip, isang lihim na operasyon ang isinagawa na bumalewala sa kanyang karapatang dumaan sa due process.”
- Latest