Bong Go sa Duterte supporters: ‘Wag tayong titigil!
"HUWAG tayong titigil." Ito ang panawagan ni Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Pilipino, lalo sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa paghiling at pagsigaw na maibalik sa bansa si Tatay Digong na ngayo'y nakakulong sa The Hague, Netherlands matapos ipagkanulo ng mga opisyal ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Sa ika-88 Araw ng Dabaw noong March 16 na isinagawa sa Davao City, libu-libong nakiselebra at tagasuporta ni Duterte ang nanawagan para maibalik sa bansa ang dating lider. Naging emosyonal si Senator nang makita ang maraming tao sa San Pedro Square, para ipakita ang kanilang pagmamahal kay Duterte.
Nagpasalamat siya sa mga dumalo. “Siya na dinala sa ibang bansa, dapat ibalik siya. Mga Dabawenyo, mga taga-Mindanao, ang hiling ko lang sa inyo, ‘wag tayong titigil, ‘wag natin siyang pabayaan. Maraming salamat sa inyong suporta at pagsama kay Tatay Digong. Ginawa lang n’ya ang kanyang trabaho para sa Pilipino,” sabi ni Go.
Naaalala niya kung paano sinikap ng Duterte administration na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa, kung kaya maraming pamilya ang nagsabing mas ligtas sila noong panahong iyon.
“May mga lumalapit sa akin, sinasabi, ‘Sir, salamat po dahil nakakalakad na ang aming anak nang hindi natatakot, walang nang-aabuso.’ Ginawa ito ni Tatay Digong para sa ating mga anak. Ginawa lang n’ya ang kanyang trabaho.
Ito ba ang dapat na iganti sa kanya?” ang sabi ni Go. Kaya naman hiniling ni Go sa mga tagasuporta ni Tatay Digong sa iba't ibang panig ng mundo na ipagpatuloy ang kanilang panawagan na palayain ng ICC at ibalik sa Pilipinas si Duterte.
“Mga kababayan ko, ‘wag tayong titigil! Ako ay nakikiusap sa inyo. Sa ating mga kababayan sa buong Pilipinas, hindi lang sa Mindanao, kundi pati sa Visayas, sa Luzon, sa buong mundo. Alam kong mahal na mahal n’yo si Tatay Digong.
Please lang, ‘wag kayong titigil.” “Puntahan n’yo lahat ng embahada! Katukin n’yo! Ipahayag natin, peacefully, ang ating saloobin! ‘Wag tayong tumigil hangga’t hindi nila siya pinapauwi! Kung kaya nilang ipadala si Tatay Digong sa Netherlands—kaya rin nila siyang pauwiin dito!” Ikinababahala pa rin ni Go ang kalusugan ng kanyang naging mentor sa pulitika.
“Nahihirapan na nga siyang maglakad. Patuloy siyang lumalaban. Awang-awa lang talaga ako kay Tatay Digong. Ano ang gusto n’yong gawin sa kanya doon?” “Alam n’yo kung ano ang pinakaikinakatakot ko? I’ll be honest with you—ang kanyang kalusugan.
Paano kung hindi nila ibigay ang kanyang gamot? Paano kung may mangyari sa kanya? Sino ang mananagot?” Nanawagan din si Go ng panalangin at pagkakaisa para sa ating bansa.
- Latest