Nandiyan lang kultura at mga sining
Editor’s note: “Nandiyan ang Kultura at mga Sining” is the winning essay and recipient of the 2021 Purita-Kalaw Ledesma Prize – Katipunan Journal award, which is a new publishing collaboration. Jayson Visperas Fajardo (or “Jaffy”) is a cultural worker in Intramuros, Manila and based in Culiat, Quezon City. Often, he goes home to Sta. Rita, Pampanga, to visit his relatives. His winning entry will also be featured in the bi-annual research publication Katipunan Journal. He will contribute a total of two articles for a year.
MANILA, Philippines — Naglalakad kayo pauwi ng mga ka-opisina mo mula sa isang ahensiya ng pamahalaan na matatagpuan sa Intramuros. Iba ang gabi na ito sa mga tipikal na pag-uwi niyo dahil nagsimula na rin kayong magsuot ng face mask kapag nasa labas. Bawat kalye na nililikuan niyo ay pinagmamasdan mo nang maigi pati ang mga pagkain na mga isaw, Betamax, kwek-kwek, balut, kikiam, at fish ball. Iba ang pakiramdam mo sa gabing ito dahil hindi mo alam kung ano ba ang magaganap bukas o sa mga susunod na araw. Pinagmasdan mo na lang ang isang bahagi ng pader ng Intramuros at ang buwan pati mga bituin parang gusto mong sabihin, “Babalik po kami dahil nandiyan lang naman po kayo lagi para sa amin!”
Habang papunta kayo sa Lagusnilad ay pinagmasdan mo rin ang Kartilya ng Katipunan na mula sa disenyo ni Eduardo Castrillo. Isa ito sa paborito mong tingnan kahit noong wala pa yung mga pailaw at mga puwente. Mula sa mga semento at bakal ay nabuo ang mga imahe ng Katipunan na lumaban para sa kalayaan. Mahalaga ang espasyo at monumento dahil inilalahad nito ang mga nakaraan at pangyayari ng isang partikular na lugar kung saan makakapagmuni-muni rin kahit papano. Naghiwa-hiwalay na kayong magkaka-opisina sa Bulwagang Panlungsod ng Maynila (Manila City Hall) dahil sa iba’t ibang lugar pa kayo nakatira tulad ng lungsod Quezon, Maynila, Kalookan, at iba pa. Nagdesisyon ka munang magmunimuni sa likuran ng monumento kung saan nakalagay ang Kartilya ng Katipunan. Bago ka umuwi pa-lungsod Quezon ay ilang beses mong binasa ang isa sa katungkulan na: “Huwag sayangin ang panahon. Ang yamang nawala’y maaaring magbalik ngunit ang panahong nagdaa’y hindi na maibabalik.” Isang gabay kung paano ko siguro mana-navigate ang kasalukuyang krisis.
Sa sumunod na araw nga ay inanunsiyo nang magkakaroon ng mga community lockdown kaya limitado lang ang magiging galaw ng bawat tao. Isa ako sa mga mapalad na work-from-home (WFH) ang naging set-up ng trabaho. Mahirap din kasi na hindi mo pa rin alam ang gagawin mo sa mga darating na araw. Kaya inaliw mo ang sarili mo sa pagbabasa ng mga aklat tulad ng Manila, my Manila ni Nick Joaquin at Tikim: Essays on Philippine Food and Culture ni Doreen Fernandez. Na-miss mo ang lungsod dahil kay Joaquin dahil yung mga bagay na dinadaanan mo lang tulad ng ilog Pasig ay may angkin ganda pa rin kahit sa kasalukuyan na kalagayan nito. Dumadaloy pa rin ito kahit nasa krisis dulot ng mga basura at mga dumi, may pag-asa pa rin para ayusin ito dahil ito ay nagpapatuloy. Na-miss mo naman ang mga pagkain mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas tulad ng pigar-pigar mula lungsod ng Dagupan sa Pangasinan, inday-inday na natikman mo sa Capiz mula sa isla ng Panay, at tuna kinilaw sa isang kalsada ng mga ihawan sa lungsod ng Heneral Santos. Kumusta na kaya ang mga nakasalamuha mo sa mga lugar na ito dahil sa trabaho mo?
Isa kang kultural na manggagawa mula sa isang ahensiya ng pamahalaan tungkol sa kultura at mga sining. Nasa ilalim ka ng Program Monitoring and Evaluation Division (PMED) na may layunin na magsuri ng mga proyekto ng ahensiya base sa kinalabasan at epekto nito. Ang mga pag-aaral at rekomendasyon na ginawa ay ibinabahagi sa mga namamahala sa ahensiya at sa mga komite na binubuo ng iba’t ibang eksperto. Nang maganap ang pandemya ay gumawa ng pag-aaral ang ahensiyang ito tungkol sa creative economy ng iba’t ibang rehiyon sa bansa sa kasalukuyang pandemya. Nakakalungkot na halos lahat ay naapektuhan lalo na ang mga pagtatanghal sa teatro, mga pagpapalabas sa sinehan, at iba pang mga pagtatanghal na kailangan nang pisikal na interaksyon sa tao. May mga lumipat sa online para itanghal o ipalabas ang kanilang mga gawain ngunit malaking hamon pa rin ito sa bawat sumusubok nito. Dahil sa krisis na ito ay nagtutulungan ang mga komunidad partikular sa kanilang lokalidad. Kaya hindi na rin siguro nakapagtataka na umusbong ang community pantry sa kadahilanan na ang bayanihan ay isang halagahanin (values) ng mga Pilipino. Nang magsimula nga ang pandemya ay may mga manunulat na nagboluntaryo na magsalin ng mga impormasyon sa COVID-19 papunta sa iba’t ibang wika sa bansa tulad ng Ilokano, Kapampangan, Bikolano, Cebuano, Hiligaynon, Maranao, at marami pang mga wika sa bansa. At sa mga halimbawa na nga ito na mapapatunayan na mahalaga ang kultura at mga sining sa kahit ano pa mang sitwasyon.
Ang mga lokalidad ang simula para harapin ang kasalukuyan at hinaharap ng kultura at mga sining. Kung ang dalawang salita na kultura at sining ay isasaalang-alang ng bawat lokal na pamahalaan ay magiging kalakasan ito at kung malakas ang lokalidad ay magiging matatag ang bansa. Marami pang mga hindi kasiguraduhan sa kasalukuyan ngunit hindi maitatanggi na nandiyan lang sa paligid ang ating sariling atin mula sa ating kinakain, mga monumento na nadadaanan, mga kuwentong naipapasa at nababasa, mga mural sa bawat pader, at iba pa na hindi natin nabibigyan nang pansin pero matagal na pa lang nandiyan. Ito ang kultura at mga sining na humuhubog sa atin at kung mapapahalagahan natin ay magagamit natin nang maayos sa hinaharap. Kapag nanalo na tayo sa pandemya kung saan nakatanggal na ang ating face mask marahil mas makakahingang maigi ang lahat kapag makapagproseso at makakapagnilay-nilay ang bawat isa sa tulong ng ating kultura at mga sining.