Alakdan (96)
MAKALIPAS ang may sampung minuto, nakita ni Troy na lumabas ng bahay si Kreamy. Sa direksiyon niya patungo ang babae. Tila may mahalagang sasabihin sa kanya.
Umalis sa bintana si Troy. Binuksan ang pinto. Hindi na niya pakakatu-kin si Kreamy.
“May sasabihin lang ako, Troy. Pasensiya ka na.’’
“Pasok ka Kreamy.’’
Pumasok si Kreamy.
“Maupo ka.’’
Naupo si Kreamy.
“Dumating na ang papa ko kamakalawa,” sabi ni Kreamy.
“Oo, nakita ko ang pagdating niya.’’
“Namayat siya at halatang may taglay na sakit.’’
“Mukhang matamlay nakita ko.’’
“Hindi naman siya ganoon kapag dumadating galing sa Saudi.’’
“Ano raw ang nararamdaman?”
“Naninikip daw ang dibdib.’’
“Bakit hindi magpa-check-up?’’
“Umalis nga sila kasama si Mama. Ako sana ang sasama pero may job interview ako mamaya.’’
“Sana naman, hindi malubha ang nararamdamang sakit.”
“Sana nga Troy. Naa-awa talaga ako kay Papa. Wala siyang kamalay-malay sa ginagawa ni Mama….’’
Natahimik si Troy.
“Pero nagtitiwala ako sa’yo Troy na hindi mo papatulan ang panunukso ni mama. Hindi mo dadagdagan ang kasalanan ni Mama kay Papa…’’
“Oo, Kreamy. Hindi ako patatangay sa ginagawa niyang pang-aakit.’’
“Salamat Troy.’’
“Kung pupuwede nga lang aalis na ako rito para makaiwas sa mama mo pero baka naman isiping tinatakasan ko ang utang sa kanya.’’
“Huwag kang aalis Troy. Dito ka lang. Kapag umalis ka, mawawalan ako ng kaibigan…’’ (Itutuloy)
- Latest
- Trending



















