La Viuda (3)
MATAPOS ikandado ang mabigat na pintuang bakal ng musuleo, napalibutan si Kristina nang nakalulunod na lamig ng gabi.
Sa gitna ng katahimikan, pumailanlang sa hangin ang halimuyak ng mga sariwang bulaklak. Sa gitna ng unang palapag ng musoleo, natatamaan ng sinag ng buwan ang isang mamahaling kabaong na gawa sa salamin. Sa loob niyon, nakahimlay ang katawan ng kanyang bagong asawa, si Emilio.
Nangangatal ang mga tuhod na humakbang si Kristina palayo sa kabaong.
Sa gilid ng silid, natagpuan niya ang isang marangyang hagdanang gawa sa puting marmol na patungo sa ikalawang palapag. Dahan-dahan siyang umakyat habang hawak ang dibdib.
Pagdating sa itaas, nagulat siya nang makita ang isang malaking kama na may malambot na kutson at mga unan.
Hindi na nakaya ng katawan ni Kristina ang labis na takot at pagod.
Napahagulgol siya nang tuluyan, habang kinukuwestiyon ang kanyang mga desisyon sa buhay.
Pagbagsak niya sa ibabaw ng kama, umiyak siya nang umiyak hanggang sa mawalan ng lakas at makatulog sa gitna ng gabi.
Nagising si Kristina bandang hatinggabi dahil nadama niyang bumigat ang dulo ng kanyang higaan. Ramdam niya ang paglubog ng kutson na tila may umupo roon.
Dahan-dahang idinilat ni Kristina ang kanyang mga mata at napasinghap sa matinding sindak.
Sa paanan ng kanyang kama, nakaupo ang isang lalaki habang nakatitig sa kanya. Tinatamaan ito ng liwanag ng buwan. Humihinga ito. May init ang balat. At nang maitapat nito ang mukha sa liwanag, halos tumigil ang tibok ng puso ni Kristina.
Ang lalaking pinagmamasdan siya habang natutulog ay ang kanyang patay na asawa, si Emilio. (Itutuloy)
- Latest
















