^

True Confessions

La Viuda(2)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

BAWAT hakbang ni Kristina sa madilim na lupain ng Hacienda Valderrama ay may kasamang takot. Kaladkad siya ng dalawang tauhan ni Donya Presentacion habang nakasunod sa kanila ang isang matandang lalaki na nag­ngangalang Mang Temyong. Narinig niya kanina na isa ito sa dinarayong albularyo at espiritista dito sa bayan ng Punta Dolores.

Natanaw ni Kristina sa gitna ng malawak na lupain ng hacienda ang libingan ng pamilya. Hindi ito ordinaryong sementeryo kundi isang mansiyon na gawa sa marmol. Tila isa itong maliit na katedral sa gitna ng kadiliman.

Napalunok si Kristina habang naaalala ang dahilan kung bakit siya naroroon. Habang nag-aagaw buhay ang kanyang ama sa ospital, may lumapit sa kanya na nagpakilala bilang “ahente” ng pamilya Valderrama. Inalok siya nito na pakasalan niya ay ang maysakit at bedridden na tagapagmana nito.

Dahil kailangan ng pa­milya ni Kristina ng pera para sa operasyon ng kanyang amang naghihingalo, mabilis siyang napapayag nito. Tinanggap niya ang malaking paunang bayad, ngunit nang makarating siya sa hacienda at makita ang bangkay sa altar, huli na ang lahat. Naitustos na ang pera sa ospital. Nakagapos na siya sa kasunduan.

Umapaw ang luha sa kanyang mga mata nang huminto sila sa tapat ng dambuhalang pintuang bakal ng musoleo. Lumapit si Mang Temyong, inilabas ang malaking susi, at dahan-dahang binuksan ang pinto na lumikha nang nakatutulig na ingay.

“Pasok,” utos ng isang tauhan sabay tulak kay Kristina.

“Pakiusap... tapos na ang kasal, tinupad ko na ang usapan namin ni Donya Presentacion!” pagmama­kaawa ni Kristina habang napapaluhod sa malamig na sahig ng mausoleo. “Pauwiin n’yo na ako!”

Lumapit ang matandang lalaki at tinitigan si Kristina sa mga mata. Sa likod nito, dahan-dahang isinara ng mga tauhan ang mabigat na pintuang bakal.

“Nagsisimula pa lamang ang iyong tungkulin, Kristina,” malamig at paos na wika ng matanda. “Tuwing gabi, dito ka matutulog kasama ng iyong asawa... sa loob ng apatnapung araw.”

(Itutuloy)

TRUE CONFESSION

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with