La Viuda (11)
HABANG nagpapalit ng damit si Kristina sa ikalawang palapag ng musuleo, biglang may kakatwang panlalamig sa kanyang batok. Pakiramdam niya kasi ay may matang pinapanood siya habang siya ay nagtatanggal ng damit. Binilisan niya ang pagbibihis. Nang makapagpalit na siya ng pantulog, agad siyang pumunta sa kama at binalot ang sarili sa kumot. Ilang segundo ang nakalipas, lumabas ang matangkad na anino ng kanyang “asawa” mula sa sulok ng silid. Agad napalitan ng ginhawa ang kaba sa dibdib ni Kristina. Inakala niya na ang nakakikilabot na pakiramdam na iyon ay ang pagdating lamang ng espiritu ni Emilio. Ang hindi alam ni Kristina, pinanonood talaga siya ni Ernesto mula sa labas ng bintana.
“Nandito ka na ulit… Maaari ba na tabihan mo ako rito?” yaya ni Kristina sa lalaki.
Nag-aalangan ang lalaki pero sinunod nito si Kristina, pagkatabi nito, hinawakan nila ang kamay ng isa’t isa. Habang magkahawak ang mga kamay, unti-unting nakatulog si Kristina. Makalipas ang ilang oras na pagkakatulog, nagising si Kristina nang bahagyang nayugyog ang kama. Nakita niya na mabilis na tumakbo pababa ang lalaki, hinabol ito ni Kristina hanggang sa dulo ng hagdanan.
SCREEECH... KLANG. Isang kakaibang kaluskos ng nagkikiskisang mabigat na bakal ang humagupit sa tahimik na palapag. Pagdating ni Kristina sa ibaba, wala na ang lalaki.
Itutuloy
- Latest




















