^

True Confessions

La Viuda (7)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SUMAPIT na naman ang gabi. Muling ikinulong si Kristina sa loob ng magarbo ngunit malamig na musoleo. Sa ibaba, nakahimlay pa rin si Emilio sa kabaong na salamin.

Ngunit sa ikalawang palapag, habang nakaupo si Kristina sa gilid ng kama at nakatitig sa dilim, hindi na takot ang bumabalot sa kanyang dibdib, kundi pananabik na pagbisita ng kanyang asawa.

Halos buong gabing naghintay si Kristina ngunit walang dumating. Unti-unti na siyang nakakatulog nang bahagyang yumanig ang kutson. Dumating na si Emilio.

“Nandito ka na...” mahinang pabulong ni Kristina.

Nakatayo ang lalaki sa paanan ng kanyang kama, nababalot ng lilim ng gabi.

Nang dahan-dahan itong lumapit at umupo sa kanyang tabi, naaninag ni Kristina ang mukha nito. Si Emilio pa rin.

Ngunit napasinghap ang dalaga nang mapansin ang kanang kamay ng lalaki, may sariwang sugat ito na dahan-dahang tumutulo ang dugo.

“Napaano ka?” utal na sabi ni Kristina.

Hindi siya nito sinagot. Hindi na rin ito kinulit ni Kristina dahil naisip niya na ito ang dahilan kaya namatay. Baka nananatili sa mga multo ang mga sugat na natamo bago mamatay.

Agad inilabas ni Kristina ang first aid kit na nakatago sa bedside table. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay ng lalaki upang linisin ang sugat. Napapikit ang lalaki, tila nagulat at naantig sa ginawang pag-aalaga ng dalaga.

Nangangatal ang mga daliri ni Kristina habang ginagamot ang sugat. Paanong ang isang espiritu ay nagdudugo? Paanong ang isang patay ay may init ang balat?

Tinitigan ng lalaki si Kristina sa mga mata, puno ng malalim at nakalulunod na emosyon. “Napakabuti mo...” pabulong nitong wika sa paos na boses.

Huminto ang mundo ni Kristina. Sa kabila ng hiwaga at takot, naramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang sariling puso. Unti-unti, nahuhulog ang kanyang loob sa “multo” ng asawa. (Itutuloy)

KRISTINA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with