^

True Confessions

La Viuda (9)­­ ­

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

KINAUMAGAHAN, habang nagpapahangin si Kristina sa hardin ng mansiyon, biglang humarang sa kanyang daan si Ernesto. May nakalolokong ngiti sa mga labi ng binata habang patay-sinding pinaglalaruan ang hawak na lighter.

“Kamusta ang buhay dito sa Punta Dolores?” naka­ngising tanong ni Ernesto habang tinititigan mula ulo hang­gang paa si Kristina.

“Maayos naman… bakit mo naitanong?” hindi kompor­tableng tugon ni Kristina.

“Wala lang, kinukumusta lang kita. Pansin ko kasi… parang at home na at home ka na doon sa musuleo.” Nata­tawang paliwanag nito.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Ang lakas ng boses mo kagabi. Dinig na dinig kita may kausap kang lalaki.”

Nagulat man, pinilit ni Kristina na maging kalmado. “Wala akong kausap,” malamig niyang tugon sabay iwas ng tingin.

“Kung ano man ang pakulo na ginagawa mo para magpanggap na nakakausap mo ang Kuya Emilio ko, hindi mo ako maloloko.”

Mabilis na tumalikod si Kristina at pumasok sa mansiyon. Agad siyang dumiretso sa maliit na kuwarto na ginagamit niya tuwing umaga. Pagkasara ng pinto, inilabas niya mula sa kanyang bulsa ang panyong may tuyong dugo, ang dugo ng kanyang “asawa.” Tinitigan niya iyon nang matagal. Hindi nagdurugo ang multo. Hindi rin nag-iiwan ng bakas ng putik ang isang espiritu.

Ayon sa napag-aralan niyang mga pamahiin, baka ang kanyang labis na pagmamahal at pananalig ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pisikal na anyo ang espiritu ni Emilio. Naniniwala siyang bumabalik ang katawan nito upang magkasama sila.

Samantala, sa hardin kung nasaan pa rin si Ernesto, naka­tingala siya sa bintana ng kuwarto ni Kristina. Ang pagiging mailap ng dalaga ay lalo lamang nagpaalab sa kanyang pag-usisa.

Nang mag-agaw ang dilim at ang liwanag, dumarating na naman ang oras ng pagpapakulong kay Kristina sa musuleo. Habang inaalalayan siya ng dalawang tauhan ng hacienda patungo sa gitna nang malawak na bakuran, hindi nila napansin na may tahimik na sumusunod sa kanila sa ila­lim ng mga matataas na puno ng kalachuchi.

Si Ernesto. Han­dang alamin kung anong hiwaga ang nangyayari sa loob ng nakakandadong musuleo kapag sumasapit ang hatinggabi.

(Itutuloy)

ERNEST

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with