La Viuda (64)
MABILIS na bumaba si Andres sa grand staircase, ang bawat hakbang ay puno ng galit. Bago pa man makasugod si Lucio, sinalubong na siya ni Andres ng isang malakas na suntok sa panga na nagpabagsak dito.
“Huliin n’yo siya!” sigaw ni Doña Presentacion, nanginginig ang boses sa gitna ng makapal na usok na pumapasok sa bulwagan.
BANG! Umalingawngaw sa buong mansiyon ang putok ng baril ni Ernesto nang ipaputok niya sa kisame. Napatigil at napaatras ang dalawang tauhan ni Lucio sa matinding takot.
“Umalis na kayo kung ayaw n’yong madamay dito!” banta ni Ernesto habang nakatutok ang baril sa kanila, bago mabilis na lumapit sa haligi at kinalag ang nakataling mga kamay nina Kristina at Aling Pacing.
“Inay! Kristina!”sabi nito at mahigpit na niyakap ang kanyang ina at ang umiiyak na si Kristina, sinisigurong ligtas ang sinapupunan nito.
“Andres, salamat sa Diyos at nagising ka na!” humahagulgol na yakap ni Kristina.
Ngunit sa gitna ng kanilang pagyayakapan, hindi napansin ng lahat ang malamig at nababaliw na tingin ni Doña Presentacion. Nakatitig ang matanda kay Kristina, ang babaing naglayo sa kanyang “Emilio” at sumira sa kanyang madidilim na plano .
“Hindi... hindi mo siya makukuha sa akin!” bulong ng Donya, nanlilisik ang mga mata.
Marahas na pinihit ng Donya ang pilak na hawakan ng kanyang tungkod. Sa isang mabilis na paghugot, lumabas mula rito ang isang nakatagong matalim na punyal.
“Kristina, sa likod mo!” sigaw ni Ernesto nang makita ang pagkislap ng patalim.
Parang isang mabangis na hayop na sumugod si Doña Presentacion patungo sa likuran ni Kristina, nakaamba ang punyal upang itarak sa dalaga. Mabilis na itinulak ni Andres sina Kristina at Aling Pacing sa gilid at hinarap ang matanda.
Bago pa man maibaba ng Donya ang patalim, nahawakan ni Andres ang pulso nito. Nagpambuno ang dalawa sa gitna nang makapal na usok habang ang apoy mula sa bodega ay tuluyan nang gumagapang sa mga kurtina at hagdanan ng bulwagan.
“Bitiwan mo ako, lapastangan!” sigaw ng donya, pilit na idinidiin ang talim patungo sa dibdib ni Andres. “Kung hindi ka mapapasaakin, Emilio... mas mabuti pang sabay-sabay na tayong mamatay sa mansiyong ito!”
Itutuloy
- Latest
















