La Viuda (4)
NAPATINGIN si Kristina sa mukha ng lalaki, hindi makagalaw sa matinding sindak. Ang mga mata nito, ang matangos na ilong, ang hugis ng mukha, walang alinlangan, ito ang kanyang asawang si Emilio, ang lalaking nakahimlay sa kabaong sa ibaba!
Sa tingin ni Kristina ay galit ito sa kanya kaya siya minumulto nito. Baka naiinis ito na nananahimik na siya sa kanyang himlayan pero ipinakasal pa siya sa isang hampaslupang babae na pera lang ang habol sa kanya.
Gusto sanang magpaliwanag ni Kristina kay Emilio na bukod sa pera, ang isa pang dahilan kaya siya pumayag magpakasal dito ay dahil naaawa siya rito.
Paliwanag kasi ni Donya Presentacion ay hindi matatahimik ang kaluluwa nito at hindi makakatawid sa kabilang buhay si Emilio kung ililibing siya nang hindi nagkakaroon ng asawa.
Magpapaliwanag na sana si Kristina nang biglang tumayo sa pagkakaupo si Emilio, lumapit sa kanya at umupo ito sa gilid ng kama. Dahan-dahan nitong itinaas ang kamay, ngunit sa halip na manakit, marahang dumaan ang magaspang nitong mga daliri sa pisngi ni Kristina upang punasan ang dumadaloy niyang luha.
“Hindi kita sasaktan,” pabulong at paos na sabi nito.
Tila tumigil ang paghinga ni Kristina. Ramdam niya ang init ng balat nito sa kanyang mukha. Paanong ang isang multo ay may haplos na ganito katotoo?
Nais niyang sumigaw, ngunit ang labis na takot at panghihina ng kanyang katawan ay nanalaytay sa kanyang mga ugat.
Nanatili itong nakaupo sa tabi ng kanyang kama, tahimik na nakatitig sa kanya habang patuloy na binabantayan ang kanyang bawat paghinga sa gitna ng kadiliman.
Sa kabila ng kabaliwang nangyayari, unti-unting kumalma ang nagwawalang dibdib ni Kristina. Ang lambing sa boses ng kanyang asawa ay nagbigay sa kanya ng kakaibang ginhawa.
Dahil sa matinding pagod ng isip at katawan, dahan-dahang bumigat ang kanyang mga pilikmata.
Sa sobrang pagkaantok, hindi na niya nakita ang pag-alis nito sa madilim na sulok ng silid nang magsimulang magbago ang kulay ng langit sa labas, ang hudyat na darating na ang umaga.
(Itutuloy)
- Latest




















