La Viuda (8)
HAWAK pa rin ni Kristina ang sugatang kamay ng lalaki. Marami siyang gustong itanong dito: kung isa ba siyang multo, kung bakit hindi pa ito tumatawid sa kabilang buhay, at kung tanggap ba siya nito bilang kanyang asawa gayong buhay pa ang tunay nitong nobyang si Natasha. Ngunit natatakot siyang baka magalit ito o biglang maglaho.
Sa gitna ng pag-aalinlangan, isang simpleng tanong lamang ang nagkaroon siya ng lakas ng loob na itanong: “Ayos ka lang ba... nahihirapan ka ba kung nasaan ka man ngayon?”
Tinitigan siya ng lalaki nang malalim. “Kagabi lang ako naging maayos...” pabulong nitong tugon. “...dahil sa iyo.”
Napasinghap si Kristina sa matinding kuryenteng dumaloy sa kanyang dibdib. Ngunit bago pa man siya makapagsalita muli, biglang natigilan ang lalaki. Mayroon kasing kaluskos sa labas ng musuleo. Lalo nitong nilakasan ang kanyang pakiramdam nang makarinig ng yabag ng mga paa.
Mabilis pa sa kidlat na tumayo ang lalaki at patakbong bumaba sa hagdanang marmol.
“Sandali!” sigaw ni Kristina.
Mabilis siyang tumayo sa pagkakaupo at hinabol ang lalaki, ngunit napakabilis nitong gumalaw sa gitna ng kadiliman. Nang makarating si Kristina sa ibaba, hingal na hingal siyang lumingun-lingon sa buong palapag.
“Emilio, nasaan ka na? Hindi ko pa tapos gamutin ang kamay mo!”
Wala na ang lalaki. Tahimik ang paligid. Ang tanging naroroon ay ang kabaong na salamin kung saan nakahimlay ang malamig at walang buhay na bangkay ng kanyang asawa. Tila ba bumalik ito sa sarili nitong katawan.
Samantala, sa labas ng dambuhalang pintuang bakal ng mausoleo, natigilan si Ernesto. Nagpapahangin ang binata sa ilalim ng punong kalachuchi habang naninigarilyo. Lumapit siya sa pintuan at itinapat ang kanyang taynga sa malamig na bakal.
Mula sa loob, malinaw niyang naririnig ang boses ni Kristina na patuloy na tumatawag at umiiyak sa pangalan ni Emilio.
Kumunot ang noo ni Ernesto habang may nakalolokong ngiti sa kanyang mga labi. Alam niyang nakakandado ang musoleo mula sa labas. Kung ganito kalakas makipag-usap at sumigaw ang asawa ng kanyang yumaong kapatid, sino ang kinakausap nito?
Itutuloy
- Latest

















