Karugtong ng Init(77)
INILIHIM ko na muna sa kapatid kong si Abby na na tuklasan ko na ang telepono ni Michelle at nakausap ko na rin ito. Kapag wala na talagang paraan akong magawa para makausap nang masinsinan si Michelle ay saka ko na lamang siya pakikiusapan. Kailangang maipakita ko ang pagsisikap na makahingi ng tawad kay Michelle. Hindi sapat ang sinabi sa akin ni Michelle na pinatatawad na niya ako. Hindi ganoon ang gusto kong marinig na para bang sa tono ay nasabi lamang para huwag na akong magpumilit pa. Hindi ako naniniwalang pinatatawad na nga ako ni Michelle at wala na sa kanya ang nagawa ko. Kahit pa sinabi niyang huwag na akong tumawag para siya kausapin, hindi ko iyon susundin. Gagawa pa lalo ako ng paraan para siya makausap nang masinsinan.
Matiyaga kong hinanap ang Australian Embassy sa Makati. Nagtanung-tanong ako. Nakita ko naman agad ang tanggapan. Unang tungo ko roon ay wala akong naki tang Michelle. Inabot ako ng hanggang hapon pero wala akong nakita. Sumunod na araw, wala rin. Sunod na araw ay inagahan ko at tumambay na lamang ako sa vicinity ng embassy na para bang may hinihintay. Wala talaga.
Nang inaakala kong walang mangyayari sa paghihintay sa Australian Embassy ay muli akong nagbalik sa kanilang tirahan sa Dimasalang. Mas malaki ang tsansa na makita ko siya rito kaysa sa Australian Embassy. Malay ko ba kung sinabi lamang niya iyon para ako lituhin. Malay ko rin ba kung totoong babalik pa siya sa Australia.
Pero hindi ko rin matiyempuhan si Michelle kahit matagal na akong nakababad sa tindahan sa di-kalayuan sa kanilang bahay. Mula sa tindahan ay tanaw ko ang taong lalabas sa gate. Ilang softdrink na ang naubos ko pero walang lumalabas.
Pero matiyaga nga ako at hindi basta-basta sumusuko.
Isang araw natiyempuhan ko ang babaing katulong ni Michelle. Hindi ko siya inabangan sa makalabas ng gate at baka na naman magsumbong kay Michelle ay mapurnada na naman. Hinayaan kong lumabas ang katulong. Nang malayu-layo na ay sinundan ko. Patungo ito sa direksiyon ng Laon-Laan, malapit sa isang ospital. Hanggang makita ko na sa isang sikat na botika siya nagpunta. Sumunod ako. Tinabihan ko siya habang naghihintay na istimahin ng crew ng drugstore. Hindi tumitingin sa akin ang katulong.
Matapos kunin ng crew ang kanyang order na gamot ay saka ko kinausap ang katulong. Mahinahon ang aking boses. Nakikiusap.
“Huwag mo naman akong isumbong kay Ate Michelle mo. Hindi naman talaga ako masama. Gusto ko lang na humingi ng tawad sa kanya. Puwede ba akong makiusap?”
Nakita kong lumambot ang loob ng katulong. Para bang naunawaan ako.
“Sige Kuya. Hindi ako magsusumbong kay Ate Michelle.”
Napakasaya ko sa sina bing iyon ng katulong. Maaari ko siyang regaluhan sa oras na iyon kahit na anong gusto niya.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending