Apoy sa Balsa 2
BAGO pa makasagot si Rhea, isang malakas na bugso ng hangin ang humampas sa floating cottage na kanyang sinasakyan. Biglang gumewang ang kawayang sahig. Nawalan siya ng balanse. Napasigaw si Rhea nang makaramdam ng kawalan, handa nang bumagsak sa malamig at malalim na tubig.
Pero bago pa man siya tuluyang matumba, isang mainit at magaspang na kamay ang mabilis na humawak sa baywang niya.
Nahila si Rhea pasulong, at bago pa niya nalaman, nakadikit na ang dibdib niya sa basang sando ni Kael. Amoy ulan ito, amoy lawa, at may mabangong anghang ng lalaking buong buhay na nagtatrabaho sa ilalim ng araw. Ang init ng katawan ni Kael ay parang sampal sa nanlalamig na balat ni Rhea.
Hawak-hawak siya nito nang mahigpit, ang isa nitong kamay ay nakabaon sa likod niya, sinisiguro na nakatapak siya nang maayos sa umuugong na kawayan. Ang mukha nila ay ilang pulgada na lang ang pagitan. Kitang-kita ni Rhea ang mga patak ng ulan na umaagos mula sa matangos na ilong ni Kael pababa sa manipis at seryoso nitong labi.
“Okay ka lang po ba ma’am?” bulong ni Kael. Ramdam ni Rhea ang panginginig ng boses nito sa dibdib niya. Hindi dahil sa takot, kundi dahil sa biglaang lapit nilang dalawa.
Dahan-dahan, ibinaba ni Rhea ang paningin sa telepono niya. Nag-black screen na ito. Naubusan na ng baterya. Ang huling koneksyon niya sa totoong mundo ay tuluyan nang naputol.
Tumingin siya muli kay Kael, na hanggang ngayon, hindi pa rin bumibitaw sa baywang niya. Ang bagyo sa labas ay nagsisimula pa lang, pero ang hangin sa loob ng balsa ay biglang naging masyadong masikip at mainit. (Itutuloy)
- Latest




















