^

True Confessions

Apoy sa Balsa (4)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

HINDI na nag-aksaya ng panahon si Kael. Bago pa man tuluyang mapigtal ang mga lubid ng floating cottage sa tindi ng hangin, binuhat niya ang tanging bag ni Rhea at hinila ang dalaga patungo sa nakatali nitong motorboat. Sa gitna ng malakas na ulan, sinuong nang maliit na makina ang nagngangalit na alon ng lawa hanggang sa marating nila ang isang nakatagong sapa sa kabilang pampang.

Doon nakatayo ang kaniyang quarters bilang bangkero ng resort, isang matibay na kubong gawa sa pinaghalong bato, kawayan, at semento.

“Magpalit ka muna. May banyo riyan sa gilid,” ani Kael sabay abot ng isang malinis ngunit kupasing checkered longsleeve polo at shorts na pambasketball.

Nanginginig ang mga kamay ni Rhea nang tanggapin iyon. Paglabas niya ng banyo­ pagkaraan ng ilang minuto, nakalubog ang kaniyang mga bisig sa napakala­king mang­gas ng polo ni Kael. Amoy deter­gent ito.

Naabutan niya si Kael sa kusina, naka­talikod at nagpapakulo ng tubig sa maliit na burner. Hubad na ito sa sando, at ang malapad nitong likod ay kumikinang pa sa tira-tirang patak ng ulan sa ilalim ng liwanag ng mitsa.

Inilapag ni Kael ang dalawang tasang umuusok na kape sa mesa. “Humupa na ang takot mo?” tanong nito, may ba­nayad na panunukso sa boses habang nakatitig sa hitsura ni Rhea na halos malunod sa kaniyang damit.

Naupo si Rhea, hinahaplos ang mainit na tasa para ma­ilabas ang natitirang ginaw. Sa unang pagkakataon, hindi niya tiningnan ang kaniyang cell phone.

“Salamat,” mahinang rito ni Rhea. “Akala ko talaga kanina, katapusan ko na.”

Naupo si Kael sa tapat niya, sumandal, at pinagmasdan ang mukha ng dalaga. “Ganyan ba talaga kayong mga taga-Maynila? Laging nagmama­dali? Kulang na lang pati ang bagyo, utusan ninyong tu­mabi para sa trabaho ninyo.”

Napaangat ang tingin ni Rhea, handa sanang magtaray at mambara, ngunit ang nakita niya sa mga mata ni Kael ay hindi pagiging judgemental, kundi isang malalim, mapanuring kuryosidad. Sa katahimikan ng pampang, unti-unting natutunaw ang pader na pilit niyang itinatayo kanina pa.

Itutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with