Apoy sa Balsa (3)
MABILIS na humakbang paatras si Rhea, halos mabuwal muli kung hindi lang niya mabilis na naipit ang sarili sa gilid ng kawayang pinto. Humihingal siya, hindi dahil sa pagod kundi dahil sa labis na bilis ng tibok ng kaniyang puso. Ang init ng palad ni Kael ay tila nag-iwan ng bakas sa kaniyang baywang kahit binitawan na siya nito.
“Pumasok ka na sa loob, Ma’am. Lumalakas ang ulan,” utos ni Kael. Normal ang boses nito, walang bakas ng malisya, na lalong nagpapairita kay Rhea.
Sumunod siya sa loob ng floating cottage. Masikip ito, isang simpleng kutson sa sahig, isang de-bateryang bentilador na hindi umiikot, at isang maliit na mesang kahoy. Walang karangyaan.
“Walang ibang paraan?” tanong ni Rhea, pilit na ibinabalik ang kaniyang corporate voice, ang boses na ginagamit niya sa tuwing nagkakaproblema sa opisina.
“Saan ba malapit dito na may wifi? Pwede akong magbayad ng kahit magkano, Kael. Kailangan ko lang ng internet. Kahit isang oras lang.”
Huminto si Kael sa pag-aayos ng lona sa bintana. Lumingon ito sa kaniya, may bahid ng pagkaaliw sa mga mata. “Ma’am Rhea, nasa gitna tayo ng lawa. Bagyo ito, hindi traffic sa Edsa. Basang-basa ka na, nanginginig ka na. Maupo ka muna.”
“I don’t need a seat, I need to finish a pitch!” asik niya, kahit ramdam na niya ang panunuot ng ginaw sa kaniyang basang blusa.
Hindi sumagot si Kael. Lumapit ito sa mesa at kumuha ng gasera. Sa isang pitik ng posporo, sumiklab ang maliit na apoy na nagbigay ng madilaw at mainit na liwanag sa silid. Humakbang si Kael palapit sa kaniya, hawak ang gasera, dahilan upang mapako si Rhea sa kaniyang kinatatayuan. Sa maliit na espasyo, mas lalong naging halata kung gaano kalaki ang lalaki kumpara sa kaniya.
Itutuloy
- Latest





















