^

True Confessions

Apoy sa Balsa (1)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Ang bawat patak ng ulan sa bubong ay parang sutil na paalala kung gaano kalaki ang pagkakamali ni Rhea. Dalawampu’t walong missed calls ­galing sa assistant niyang si Amanda. Labing-isang email na may pulang flag galing sa regional director. At ang huli, isang text mula sa pinakamalaki niyang kliyente: “We need the revised creative pitch by 5 PM, Rhea, or we’re pulling out.”

Tiningnan ni Rhea ang screen ng telepono niya. Isang bar ng signal. Pumuputol-putol pa. “Kainis naman,” bulong niya sa sarili, pilit na itinataas ang kamay sa hangin na tila ba mas mabilis na makasasalo ng signal ang telepono kung itataas niya ito nang kaunti.

“Walang signal diyan, Ma’am. Lalo na’t paparating ang dapa.”

Bumaba ang tingin ni Rhea sa lalaking nakatayo sa dulo ng balsa. Si Kael. Siya ang caretaker ng floating cottage na iyon, at ang tanging dahilan kung bakit hindi pa tuluyang nahuhulog si Rhea sa lawa dahil sa hilo at stress.

Kaninang umaga, nang umalis si Rhea sa Maynila, ang nasa utak lang niya ay isang tahimik na weekend sa San Vicenzo para takasan ang ingay ng advertising agency niya. Isang balsa sa gitna ng kalmadong lawa ang ­ipinangako ng Airbnb. Walang ibang tao. Katahimikan lang. Pero hindi sinabi sa listing na may parating na bagyo.

“Anong dapa?” tanong ni Rhea, hinahawi ang basang buhok na humahampas sa mukha niya dahil sa biglang paglakas ng hangin. ­Lumalaki na rin ang mga alon sa lawa, unti-unting niyayanig ang malalaking kawayan na inaapakan nila.

“Dapa. Siyam-siyam. Ang tawag ng mga matatanda rito sa biglaang bagyo na walang babala,” sagot ni Kael nang hindi man lang tumitingin sa kaniya. Abala ito sa paghila ng makapal na lubid, isinasara ang mga gilid ng balsa gamit ang makapal na lona para hindi sila pasukin ng ulan. Nakasuot lang ito ng kupasing sando na hapit sa malapad nitong dibdib at maong na shorts na basang-basa na. Kitang-kita ang bawat paggalaw ng mga kalamnan sa likod ni Kael sa tuwing humihila ito ng tali. May kung anong gaspang at tapang sa bawat galaw nito na kabaligtaran ng buhay na nakasanayan ni Rhea sa siyudad, kung saan ang pinakamabigat na binubuhat niya ay ang kaniyang laptop.

“Hindi ba natin puwedeng pabalikin ’yung bangka?” ­medyo pasigaw na ang boses ni Rhea dahil sumasabay na ang ugong ng hangin. “Babayaran ko. Doble. Triple. Ibalik mo lang ako sa mainland. May kailangan akong isumiting report.”

Huminto si Kael. ­Lumingon ito kay Rhea, at sa unang pagkakataon, sinalubong ng mga madidilim at seryoso nitong mata ang mga mata ng kausap. May kung anong kaba ang sumiklab sa dibdib ni Rhea na walang kinalaman sa bagyo.

“Ma’am, tingnan mo ang lawa,” malalim ang boses ni Kael, walang bahid ng panic. Itinuro nito ang direksiyon ng pampang na kanina lang ay tanaw pa nila. Ngayon, nababalutan na ito nang makapal, kulay-abo na pader ng ulan. “Kahit may makina ang bangka ko, lalamunin lang tayo ng alon. Mas ligtas tayo rito sa balsa.

“Pero ang trabaho ko—”

“Mas importante ba ang iyong trabaho kaysa buhay mo?”

(Itutuloy)

APOY SA BALSA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with