^

Punto Mo

Patanda nang patandang populasyon

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

Anim na taon mula ngayon, ang Pilipinas ay mapapabilang na sa mga bansang may populasyong patanda nang patanda, kung tawagin ay aging population. Ayon sa Commission on Population Development, mas mabilis dumami ang edad 60 pataas, kaysa edad 15 pababa, kung kaya’t sa taong 2030 ay maituturing na tayong isang bansang may aging population. Sa ngayon, ang populasyon natin ay umaabot na sa 112 million.

Ipinaliwanag ng United Nations Population Fund at ng National Economic Development Authority na ang pagtanda ng ating populasyon ay bunga ng dalawang bagay. Una, dahil sa COVID-19 pandemic ay kakaunti ang nagsipag-asawa, maliit na bilang lamang ang nagsipanganak at maraming bata ang namatay. Ikalawa, dahil sa implementasyon ng K-12 program ay napako ang pansin ng mga kabataan sa kanilang pag-aaral, kaysa mga aktibidad na sekswal na humahantong sa teenage pregnancies.

Karagdagan pa rito, mas may edad na ngayon ang nagpapakasal: 28 sa babae at 30 sa lalaki, kumpara noong araw na ang karaniwang edad ng pag-aasawa ay 25 pababa. Marami na rin ngayon ang pinipili ang kakaunting anak, hanggang tatlo lamang. Noong araw, itinuturing na kakaunti ang tatlong anak. Paramihan noon dahil itinuturing na kayamanan ang maraming anak. Pero ngayon, napakahirap ang magkaroon ng maraming anak.

Malaking hamon ito sa gobyerno.  Hindi lamang diskwento sa gamot at pagkain, at prioridad sa pila ang kailangan ng mga seniors, kailangan nilang manatiling produktibong mamamayan. Kung malusog, marami pang maiaambag sa lipunan ang nasa pagitan ng edad 60 hanggang 80, kung bibigyan lamang ng pagkakataon. Ito ang wala sa atin, ang pagkakataon. Walang kompanya o opisinang tumatanggap ng seniors, kahit na nga malakas pa. Ang totoo, dito sa atin ay hirap nang makahanap ng trabaho ang isang edad 40.

Sa ibang bansa, itinuturing na diskriminasyon ang hindi pagtanggap sa isang aplikante sa trabaho dahil sa edad.  Mainam na matuto ang mga employer sa halimbawa ng Diyos na hindi isinasaalang-alang ang edad sa pagpili ng mga taong pagkakalooban ng mabigat na responsibilidad.  Halimbawa, 80 na si Moises nang tawagin ng Diyos na pangunahan ang mga Israelita sa pagtakas mula sa Egipto kung saan ang lahing ito’y naging alipin sa loob ng 430 taon. Nagtagumpay si Moises sa mabigat na misyon sa kabila ng kanyang pagiging senior. Baka nga mas tamang sabihin na kaya siya nagtagumpay ay dahil sa kanyang pagiging senior.

Sa halip na dole-out o ayuda, kailangang mag-isip ang gobyerno, sa pangunguna ng National Commission of Senior Citizens at ng Office for the Senior Citizens’ Affairs ng mga LGUs kung paano matutulungang maging produktibo ang mga seniors sa pamamagitan ng muling pagsasanay at pagbubukas ng mga oportunidad. Kailangang gawaran ng gobyerno ng magandang insentibo ang mga kompanyang mag-eempleyo ng mga seniors.

Ganito ang nakasaad sa Awit 90:10, “Buhay nami’y umaabot ng pitumpung taong singkad, minsan nama’y walumpu kung kami’y malakas.” Hindi malayo sa sinasabi ng Biblia ang ating average life span na 72. Kung mapapanatili nating malakas ang mga senior, malaki pa rin ang maiaambag nila sa kabutihan ng lipunan. Sa biyaya ng Diyos, maaari silang maging Moises upang maging kasangkapan sa paglaya mula sa kahirapan, katiwalian, at kawalang-katarungan.

PILIPINAS

POPULASYON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with