Mayang (82)
SA tanong ni Jeff kung pinatatawad na siya ni Mayang, tumingin ito sa kanya na parang hinahanap ang kadalisayan ng tanong. Tila may gustong hanapin si Mayang kay Jeff.
Pero hindi napigil si Jeff sa pagtatanong.
“Pinatatawad mo na ba ako Mayang? Gusto kong malaman ang kasagutan mo.’’
“Oo. Papapasukin ba kita rito kung hindi kita pinatatawad.”
“Salamat Mayang. Nabunutan ako ng tinik.’’
“Pero bago ka lubusang maging maligaya, gusto kong malaman sa mismong bibig mo kung bakit hindi mo na ako binalikan. Bakit basta mo na lang akong iniwan?’’
“Nagkamali ako Mayang. Ang totoo, babalikan naman talaga kita.Wala naman talaga akong tangka na iwanan ka. Masyado lang akong nagahaman sa malaking kikitain sa New Zealand kaya nagpatuloy ako. Ang totoo, tinatawagan kita pero hindi na makontak ang CP mo. Wala akong alam na ibang paraan. Pati sa FB, hindi ka rin ma-locate. Ginawa ko ang lahat, Mayang.’’
“Oo nga ginawa mo yun, pero pinatagal mo muna. Nainip ako. Ang akala ko, mayroon ka nang ibang kinakasama sa bansang kinaroroonan mo. Gabi-gabi, umiiyak ako.’’
“Walang ibang babae sa buhay ko, Mayang. Ikaw lang.’’
“Bakit pinatagal mo ng pitong taon bago ka nagpakita?’’
“Dahil hindi ka nga sumasagot, naisip ko na mayroon ka ng ibang minamahal. Naisip ko, nagpakasal ka na sa iba.’’
Nakatingin lang si Mayang kay Jeff.
“Kaya pinasya ko huwag na munang umuwi at nag-ipon ako nang nag-ipon ng pera para sa kinabukasan natin.”
Napatitig si Mayang kay Jeff.
Lumambot nang todo ang puso niya kay Jeff.
(Itutuloy)
- Latest