Ang mensahe ng Pasko
APAT na tulog na lang, Pasko na. Gusto kong pag-usapan natin ang sa aking palagay ay pinakamahalagang mensahe ng Pasko ang kababaang-loob. Ito ang kailangang-kailangan sa ating lipunan na pinaghaharian ng pagmamataas at pagmamalaki. Ano ba ang mga katangian ng tunay na kababaang-loob na ipinakita mismo ng Panginoong Hesus?
Una, ang tunay na kababaang-loob ay hindi nakabatay sa posisyon. Ang kababaang-loob (humility) ay nagmula sa salitang humus, ibig sabihin ay lupa. Lahat tayo’y nagmula sa lupa, at magbabalik sa lupa, kaya’t walang sinuman ang may karapatang maging mayabang, gaano man siya katalino o kayaman.
Si Hesus ay Diyos, ngunit hindi Niya ipinagpilitan ang Kanyang posisyon bilang Diyos. Sa halip, tinanggap Niya ang maging tao para lamang matupad ang dakilang hangarin ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan.
May mga tao na gagawin ang lahat magkaroon lamang ng posisyon, sa paniniwalang ang posisyon ang mag-aangat sa uri ng kanilang pamumuhay. Ito’y isang malaking pagkakamali. Sa kabilang dako, ginagamit ng isang tunay na Kristiyano ang posisyon upang ipaglingkod ang mga kapangyarihan at karapatang nakaugnay dito para sa kapakinabangan nang marami.
Ikalawa, ang tunay na kababaang-loob ay nagsasaisantabi sa mga karapatan na dapat gamitin sa mga tamang sitwasyon at tamang dahilan. Pero may mga pagkakataon din na maaari munang kalimutan ang mga karapatan alang-alang sa pananampalataya at pagsunod sa halimbawa ni Hesus. Pananagutan muna bago karapatan.
Lex taliones ang tawag sa batas na kung ano ang ginawa sa iyo ay gayon din ang gawin mo sa gumawa sa iyo. Pag-ibig ang batas ng kababaang-loob na handang ibaba ang sarili alang-alang sa taong iniibig. Ito’y kabaliktaran ng batas na mata sa mata, ngipin sa ngipin. Ang ginagawa ng Diyos ay itinataas muna Niya tayo upang bigyang-pagkakataon na mapraktis natin ang pagpapakumbaba.
Ikatlo, ang tunay na kababaang-loob ay nakahandang sumunod sa kalooban ng Diyos, tulad ng ipinakita ni Hesus. Ganito ang nakasaad sa Filipos 2:8, “Siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.”
Ito ang halimbawa ng mabuting pagsunod. Noong si Hesus ay pinahihirapan, maaaring sa Kanyang kalikasan bilang Diyos ay hindi Siya papayag na maapi at pagbintangan sa maling paratang. May karapatan at kapangyarihan Siyang maghiganti. Ngunit sa halip na magkaroon ng gayong damdamin, nanaig pa rin kay Hesus ang pagsunod sa Kanyang Ama, at ang pagsunod na iyon ay humantong sa Kanyang kamatayan sa krus.
Hindi naman natin kailangang magpakamatay masunod lamang ang kalooban ng Diyos. Ang mahalaga ay “we take risk” para sundin ang utos ng Diyos. Kapag tayo’y nag-take risk, mayroon tayong ganap na pananampalataya na may mangyayaring maganda, at naniniwala tayo na hindi tayo pababayaan ng Diyos.
Hindi pinabayaan ng Diyos ang ating Panginoong Hesus na Kanyang binuhay na muli matapos ang ikatlong araw dahil sa Kanyang buong pagpapakumbabang pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama.
Maaaring mahirap sa una, ngunit sa tulong at biyaya ng Diyos, magagawa nating magpakumbaba na gaya ni Hesus—kapakumbabaan na hindi tinitingnan ang mga posisyon, kapakumbabaan na ipinagpapaliban ang paggamit ng karapatan, at kapakumbabaan na handang sumunod sa kalooban ng Diyos.
- Latest