‘Araro’ (Part 7)
HABANG papalapit na kami sa aming lumang bahay sa probinsiya ay kinakabahan ako. Hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama. Baka totoong nanakaw na ang araro ni Itay gaya ng aking napanaginipan?
O baka sira na dahil sa kalawang?
Napansin ako ni Romeo na nasa katapat kong upuan. Ang aking bagong van ang ginamit namin.
“Bakit wala kang kibo Kuya Ronald?”
“Ha? A e wala. May iniisip lang ako.”
“Tungkol sa araro ni Itay?”
Tumango ako. Hindi na ako naglihim pa.
“Kasi’y baka totoo ang napanaginipan ko na nanakaw ang araro. O baka nasira na dahil sa kalawang?”
“Huwag mong isipin ‘yun, Kuya. Naroon pa rin ang araro at maayos pa. Gusto lang tayong padalawin ni Itay at Inay sa ating lumang bahay. Matagal na kasi tayong hindi umuuwi.”
“Baka nga.”
“Huwag ka nang mag-isip nang kung anu-ano, Kuya.”
Napatango ako.
Makalipas pa ang kalahating oras, nakarating kami sa aming bahay na luma.
Bagama’t maayos pa ang bahay na gawa sa tabla at hollow block, may sira na ang mga alulod.
Binuksan namin ang gate. Kinakalawang na ito. Ang mga halaman sa bakuran ay matataas na.
Mabilis kong tinungo ang silong ng aming bahay na kinaroroonan ng araro. Malawak ang aming silong. Maraming nakatambak na gamit.
Hinanap ko ang araro sa pinakaloob ng silong.
Nagulat ako sa nakita. (Itutuloy)
- Latest