Silang mga ‘nuisance’!
Umabot sa kabuuang 130 ang aspirante sa pagka-Pangulo sa isinagawang filing ng COC noong nakalipas na linggo.
Ayon nga sa COMELEC, nangangahulugang buhay ang demokrasya dahil marami ang nagnanais na bumoto at marami rin ang nais na maging isang kandidato.
Kung ikukumpara sa naitalang naghain ng COC sa pagka-Pangulo noong 2010 election, 99 noon at ngayon nga ay umabot sa 130.
Pero siyempre sasalain pa ito at pag-aaralang mabuti ng COMELEC, at inaasahan na nga na malaking bilang nito eh malalagas sa bilang ng mga kandidato.
Karamihan sa mga ito, tinatawag na ‘nuisance’ o yun daw ‘pampagulo’ na naglalayong maghasik lang ng kalituhan sa mga botante. Ito raw eh malalaglag sa opisyal na listahan ng mga kandidato.
Marami sa naghain ng COC sa pagka-Pangulo, eh ginagawang katatawanan, binabatuhan ng masasakit na salita at nilalait.
Sa ilang mga na-interview ng media, matapos na maghain ng kanilang COC, may mga sinasabi silang dahilan kung bakit nais nilang tumakbong presidente ng Pinas.
Ito ay sa kabila ng katotohanan na ang ilan sa kanila ay kulang sa pinag-aralan at walang maayos na kabuhayan o makinarya gaya ng mga kilalang kakandidato.
Pero kung papakinggan ang kanilang mga dahilan, halos iisa ang tinutumbok ng kanilang plataporma, ito ay ibig nilang maiahon ang mga Pinoy sa kahirapan at mabigyan ng maayos na pamumuhay.
Ayon sa ilang political analyst, ang pagdami umano ng nais na tumakbo sa pagka-Pangulo isang senyales na marami na ang desperado.
Ito ay sa paraan na hindi nila nakikita o nararamdaman ang pag-aalaga lalu na sa mahihirap ng mga nanunungkulan sa pamahalaan at ito ang nais nilang magawa sa kanilang mga kababayan.
Kaya nga minsan parang mas masarap pang pakinggan ang pangako ng mga itinuturing na ‘nuisance’ kaysa raw sa pangako ng isang kilala o tinitingalang kandidato.
Parang mas ramdam pa raw na totoo ang nasa loob ng mga ito na kung mabibigyan ng pagkakataon ay ipapatupad ang kanilang pangako, kaysa nga raw sa kilala nga pero hindi naman daw nadarama ang sinseridad . Halatang-halatang agbabait-baitan lang at malabong maisakatuparan ang kanyang inaaalok sa mga mamamayan.
- Latest