3 todas, 5 sugatan sa gun attack!
COTABATO CITY, Philippines — Tatlo katao ang patay habang lima pa ang sugatan sa mga gun attack sa dalawang lalawigan sa Bangsamoro region sa kabila ng paghihigpit ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng Comelec gun ban para sa nalalapit na May elections.
Nakilala ang unang nasawi na si Almira Hamsa Usman, na binaril habang lulan sa motorsiklo sa abalang lugar sa Quezon Avenue, Cotabato City nitong Miyerkules ng hapon. Sugatan din sa pag-atake ng nakamotorsiklong mga suspek ang kasama ni Usman na si Jane Ersando Palileo, ayon sa mga imbestigador ng Cotabato City Police Precinct 1.
Samantala, sugatan ang barangay chairman at dalawa pang barangay officials makaraan silang tambangan at pagbabarilin nitong Huwebes ng umaga sa Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.
Kinilala ni Lt. Col. Glenn Mar Avisa, Datu Abdullah Sangki municipal police chief, ang mga sugatan na sina Edris Sangki, barangay chairman ng Kaya-Kaya ng nasabing bayan, konsehal na si Penny Balawagan, at barangay secretary Abdul Latip; pawang nagpapagaling na nasa ospital.
Lulan ang tatlong barangay officials ng motorsiklo patungo sa isang lugar nang sila ay paulanan ng mga bala ng mga armadong kalalakihan na nakaposisyon sa gilid ng ng kalsada sa Barangay Kaya-Kaya. Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek sakay ng getaway grey minivan.
Matapos naman ang apat na oras, patay rin sa motorcycle-riding gunmen ang tricycle driver na si Maulah Gadzali habang sugatan ang misis nito na si Normina Matar-Gadzali, makaraan silang ambusin habang lulan ng tricycle pagsapit nila sa highway ng Barangay Tamontaka 4 sa Cotabato City.
Ang mag-asawang Gadzali ay uuwi na sa kanilang tahanan matapos nilang bisitahin ang kanilang kaanak na may sakit sa naturang barangay nang sila ay buntutan at nang makapag-overtake ay dito na sila sinabayan ng putok ng mga pistol.
Samantala, isa pang lalaki na nakilalang si Roaf Alipulo ay napaslang din nitong Biyernes ng hapon nang barilin ng dalawang lalaki sa malapit sa gaming booth ng isang maliit na carmival sa Barangay Edcor, Buldon, Maguindanao del Norte.
- Latest