Mayang (140)
“DESIDIDO si Puri na akitin ako kaya kung anu-ano ang ginawa niyang paraan—naghubad siya sa harap ko. Ipinakita niya ang alindog—lahat na!’’ sabi ni Jeff.
“Sa palagay mo ba, kung bumigay ka sa pang-aakit niya ay totoong may pagmamahal sa iyo o meron lang siyang kailangan sa’yo?’’ tanong ni Mayang.
“Ang pera ko ang kailangan niya kaya ako inaakit—alam ko yun. Ang ginawa ko, sumakay ako nang sumakay sa pang-aakit niya. Kunwari, naaakit niya ako pero ang totoo, arte ko lang yun. Sinabi kong nagugustuhan ko na siya, pero taktika ko lang yun para makatakas sa bahay niya. Naaamoy ko na kasi sa mga kinikilos niya na maaaring patayin ako kapag nakuha ang aking pera.”
“Paano nalaman na mayroon kang pera?’’
“Kasalanan ko rin kung bakit nalaman ni Puri. Hindi ko pa kasi alam na wala na pala kayong komunikasyon—akala ko, okey pa ang pagkakaibigan n’yo. Sinabi ko na marami akong pera dahil matagal akong nagtrabaho sa New Zealand. Marami akong naipon dahil inilalaan ko nga sa iyo Mayang. Pero naisip ko, hindi ko dapat sinabi yun. Nagkaroon siya ng ideya.
“Hanggang sa malaman ko, na miyembro siya ng sindikato na nambibiktima ng mga OFWs at balikbayan. Marami na palang pinatay si Henry at ibinabaon ang mga biktima kapag hindi naibigay ang hinihinging pera.
“Muntik na akong mapatay ni Henry dahil naghinala na umaarte ako pero pinigil ni Puri. Sabi ni Puri, kapag pinatay ako ni Henry, lalo nang hindi makukuha ang aking pera.’’
“Paano ka nakalusot sa mga taong yun na halang ang kaluluwa?”
“Dahil nga kay Mam Araceli. Kinontak ang kanyang inaanak na police colonel. Si Mam ang nakatanggap ng reward.’’
“Naiisip ko Jeff, napakarami nating dinanas bago nagkabalikang muli.”
“Oo nga Mayang. Siguro, kaya nangyari yun ay para lalong tumibay ang pagmamahalan natin.’’
“Siguro nga. Mahal na mahal kita, Jeff.”
“Mahal na mahal din kita, Mayang.’’ (Itutuloy)
- Latest