Diet tips: Paano pumayat
Dear Dr. Ong, Tanong ko lang kung anong magandang gamot para sa nagpapapayat na katulad ko? Tama ba na mag-purga upang lumiit ang tiyan? Puwede ba ako uminom ng slimming pills? Kasi sinubukan ko na mag-exercise pero walang epekto. Maraming salamat po. – Mina
Sa katotohanan ay wala pa talagang magandang gamot na naimbento para pumayat. May mga binebenta sa botika tulad ng Orlistat, pero panandalian lang ang epekto nito. Kapag hininto mo ang gamot, babalik ulit ang timbang mo.
Hindi rin maganda ang mga slimming pills. Karamihan dito ay may halong pampadumi (laxatives) at ika’y magtatae. Puwede kang maubusan ng sustansya sa katawan at bumagsak ang potassium sa dugo. May namamatay sa sobrang baba ng potassium.
Maraming masasamang side effects ang mga slimming pills, tulad ng mga diet pills, Bangkok pills, at iba pa. Aatakihin ka ng high blood at nerbiyos kapag uminom nito.
Tungkol naman sa pampapurga. Ito ay binibigay lang kung may bulate sa tiyan. Kung wala ka namang bulate, bakit ka iinom nito?
Sabi mo ay walang epekto ang exercise. Oo, walang epekto ang exercise kung babawi ka lang ng kain pagkatapos. Mahirap magpapayat pero kaya ito gawin. Heto ang mga payo ko:
1. Mag-diyeta at magbawas ng pagkain. Kung dati ay 2 tasa ka ng kanin, gawin na lang 1 tasa.
2. Umiwas sa lahat ng mga juices, iced tea at soft drinks. Nakatataba masyado ang mga juices tulad ng pineapple juice, energy drinks, at mga bottled teas. Tubig lang ang dapat inumin para hindi tumaba. Wala nang iba.
3. Ihinto ang lahat ng sitsirya. Ang mga potato chips, corn chips at chocolates ay dapat iwasan. Puwede konting popcorn.
4. Umiwas sa dessert. Malaki ang ipapayat mo kung iiwas ka sa mga cakes, pastries at matatamis na dessert.
5. Bawasan ang pagkain ng prutas. Hindi ninyo alam pero nakatataba ang mangga, ubas, abocado at pineapple. Sa bawat pagkain, isang pisngi lang ng mangga, o 6 na piraso ng ubas lang ang dapat. Huwag nang sosobra. Ang mansanas at peras lang ang magandang pampapayat.
6. Igalaw ang iyong katawan. Gumamit ng hagdanan. Maglakad ng malayo. Maglinis ng bahay. Mag-enroll sa gym.
7. Kumain ng 6 na beses bawat araw pero pakonti-konti lang. Huwag magpagutom dahil babawi ka lang ng kain. Magbaon ng pandesal, biskwit o saging para sa meryenda o pag nagutom.
Tandaan tubig lang ang dapat inumin. Bawasan ang dami ng pagkain. Ipilit makontrol ang sarili. Good luck po!
- Latest