Kamatayan ng Windows 10
ISANG klase ng operating system (OS) ang Windows 10 na karaniwang ginagamit sa pagpapaandar sa mga kasalukuyang personal computer (PC), desktop man o laptop. Nagsimulang ibenta ng kompanyang Microsoft noong 2015 ang Windows 10 na pumalit sa nauna ditong Windows 7 at 8.
Kaso, tila mararanasan na rin ng Windows 10 ang nangyari sa mga naunang OS ng Microsoft tulad ng Windows 95, 98, 2000, XP at Vista na naluma at nalaos. Simula kasi sa Oktubre ngayong taong ito, ititigil na ng Microsoft ang mga libreng update at technical support sa Windows 10 sa hindi malinaw na kadahilanan.
Lihis ito sa naunang pahayag ng Microsoft maraming taon na ang nakararaan na ang Windows 10 na ang magiging huli at pinal nitong system software na kailangan sa magkatuwang na pagpapaandar sa mga piyesa at programa sa computer.
Ano ang ibig sabihin nito?
Patuloy pa namang magagamit sa PC ang Windows 10 pagkaraan ng Oktubre pero, dahil wala nang update, lalong manganganib ang computer sa mga cyber attack (virus, malware, spyware) at madali itong mapapasok ng mga hacker. May mga pagtatalo kung makakatulong ang paggamit ng hiwalay na anti-virus program bilang solusyon. Namemeligro ring mawala ang mga data sa computer.
Magkakaisyu din sa mga makabagong software o program, applications, browser, websites at iba pa na ibinabagay lang o iniaangkop sa mas bagong mga OS tulad ng Windows 11 na matagal na ring inilalako ng Microsoft kahit noon pang kasagsagan ng kasikatan ng Windows 10.
Sa katunayan, habang ibinabandila nito ang Windows 11 ay nababalita na ang susunod dito na Windows 12. Kailangan ding bumagay ang mga klase ng memory card, hard disk drive, motherboard at iba pang piyesa sa Windows 11 para maisalang at magamit ito nang maayos sa computer.
Pero, dahil nga bago ang Windows 11 na may mga sariling ispesipikasyon na mas mataas kaysa sa Windows 10, kailangang magpalit ng mga kailangang piyesa at iba pang mga sistema para ito maikabit sa computer. May mga nagtatangka na ngang gumamit ng Windows 11 pero nauudlot dahil hindi ito angkop sa kanilang PC.
Mas malamang mauwi sa tuluyang pagkasira ang PC na patuloy na ginagamitan ng Windows 10 na wala nang update at technical support sa matagal na panahon. Tulad ng nangyari sa mga naunang PC na ginagamitan ng mga naunang OS tulad ng Windows 98 o XP na nauwi na lang sa tambakan ng basura.
Meron pa namang iilan sa mundo na patuloy na gumagamit ng mga lumang OS na ito dahil dito lang puwedeng umandar ang ginagamit nilang mga software o program o kaya nagtitipid.
Makakalito at makakabigla sa mga hindi pamilyar sa mga teknikalidad ng computer at walang kamalayan sa mga implikasyon ng kawalan ng update at technical support dito ang napipintong kamatayan ng Windows 10 bagaman matagal na ang pasabi ng Microsoft na matitigil na ang mga technical support dito.
Mas malamang payuhan sila ng technician na magpalit ng kailangang piyesa o tuluyang bumili ng bagong computer na angkop sa mas bagong Windows 11. Bagong gastos ito sa ordinaryong konsyumer.
Pero, marahil, bahagi na rin ng pag-unlad sa teknolohiya ang pagsulpot ng Windows 11 na maaaring sagot sa anumang kahinaan ng Windows 10 kahit sabihing isa lang itong negosyo.
Maraming problema noon sa mga lumang OS na Windows 3, 95, 98, 2000, XP at Vista na nalutas sa Windows 7 at 10. Kaso nga lang, marami ring nakikisabay na ibang mga computer program, gadget, o anumang nasa internet sa mga pagbabagong ito na dahilan para bumagay at magamit lang ito sa kung ano ang mas bagong computer system tulad ng Window 10 at 11.
----------
Email: rmb2012x@gmail.com
- Latest