PDAF, kalimutan na ng mga mambabatas
Nagmamaktol ang ilang mambabatas sa desisyon ng Supreme Court na unconstitutional ang PDAF o pork barrel fund. Malaking epekto raw sa mga scholar at pasyenteng tinutulungan ng mga mambabatas na galing sa kanilang PDAF.
Tigilan na ng mambabatas ang pagpapaawa at pagpapakonsensiya dahil SC na ang nagsabing labag sa Konstitusyon ang PDAF.
Malinaw sa desisyon ng SC na ang bawal lang naman ay magkaroon pa ng papel ang mga mambabatas sa implementasyon. Ang pangunahing trabaho ng mga ito ay mag-apruba ng budget taun-taon. Hindi na dapat makialam sa paggastos na pangunahing gampanin naman ng sangay ng ehekutibo ng gobyerno.
Kalimutan na ng mga mambabatas ang PDAF. Isentro nila ang trabaho sa pagbalangkas ng mga bagong batas na makakatulong upang maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.
May mga ulat na maraming kongresista ang hindi sumipot sa kanilang regular na sesyon bilang protesta. Kung totoo ito, makabubuting huwag na silang manungkulan sa Kongreso. Ang pangunahin nilang trabaho ay gumawa ng batas at hindi para mangasiwa sa kanilang mga PDAF.
Asahan na sa 2016 elections ay mababawasan ang mga mag-aambisyon na maging senador at kongresista. Mas maraming kakandidato ngayon sa pagka-gobernador o mayor. Pero huwag magpaka-siguro kahit nadeklarang iligal ang PDAF. Asahan na may magpipilit na gumawa ng bagong sistema na kamukha ng pork barrel.
Magbantay ang lahat at tiyakin na hindi na maibabalik ang PDAF na napatunayan na nagkaroon ng pag-abuso sa pangaÂngasiwa ng pondo. Asahan na susunod na eleksiyon ay hindi na magiging magastos sa kampanya dahil mababawasan na ang pag-eksena ng mga financier ng mga kandidato.
- Latest