Nakabakasyong seaman todas sa pamamaril
MANILA, Philippines — Patay ang isang nakabakasyong seaman matapos barilin ng hindi nakilalang salarin sa Kalayaan Road, Barangay Magdalo-Potol, Kawit, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Vlastimile Antonio Vasquez, tubong Bataan at residente ng Cavite City.
Sa ulat ng Kawit Municipal Police Station, ala-1:15 ng madaling-araw nang marinig ng security guard ng Baypoint Subdivision ang putok ng baril malapit sa kanyang puwesto sa entrance gate.
Nang kanyang beripikahin, nakita nito ang isang lalaki na nakahandusay at duguan ang ulo.
Hindi kalayuan mula sa biktima ay natagpuan din ang kanyang nakatumbang motorsiklo.
Agad na tumakas ang hindi nakilalang suspek matapos ang insidente. Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa krimen.
- Latest