Doktor ‘nalason’ sa inumin mula sa ‘delivery rider’
MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa Philippine General Hospital (PGH) ang isang doctor matapos umanong malason sa ininom na inumin na idineliber ng food rider sa kanyang klinika sa Malate, Maynila, kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Khaimar Ismael Jumadair, 43, aesthetic doctor, at may-ari ng Khai Aesthetic Clinic.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, alas-3:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng klinika ng biktima na matatagpuan sa 2nd floor ng Tetra Building, A.Vasquez St., kanto ng Pedro Gil St. sa Malate.
Sa impormasyong nakalap ng pulisya mula sa maybahay ng biktima na si Katrina, kasalukuyang nasa loob ng kanyang klinika ang biktima nang dumating ang isang food delivery rider at naghatid ng ‘inumin’ na mula umano sa isang kilalang coffee shop.
Nang malaman ang naturang inumin ay ipinadala ng isang alyas ‘Gladys,’ ay nagsalita pa umano ang biktima, at sinabing kilala niya ang pasyenteng nagpadala ng inumin.
Nang tikman ay nagulat umano ang biktima sa kakaibang lasa ng inumin at sinabing, “Ano bang lasa nito? Tikman n’yo nga!”
Ilang sandali ay kaagad na umanong nagsuka ang biktima at nagtatakbo sa banyo at doon na tuluyang nawalan ng malay.
Mabilis naman siyang isinugod sa PGH ng mga tauhan ngunit nasawi rin.
Isinailalim na sa otopsiya ang biktima upang matukoy ang ikinamatay nito.
- Latest