‘Hindi ako magpapatawad’ - VP Sara
Mga botante pinaalalahanan na maging matalino
MANILA, Philippines — Ito ang naging mensahe ni Vice President Sara Duterte na hinggil sa diwa ng Kapaskuhan sa Thanksgiving Party, na idinaos ng Office of the Vice President (OVP) kamakalawa.
Ayon kay VP Sara, bilang bise presidente, kailangan niyang sabihin sa mga mamamayan na ang Pasko ay panahon nang pagpapatawad, pagmamahal at pagbibigay, dahil ito aniya ang tunay na diwa ng Pasko.
“Ang Pasko ay panahon ng pagpapatawad, pagmamahal, at pagbibigay. Forgiving, giving, and loving. Lagi ko pong sinasabi na depende ‘yan sa tao pero dahil ako ay vice president, kailangan ko sabihin na yan ang mensahe at diwa ng Pasko,” anang bise presidente.
Gayunman, kung siya umano ang tatanungin ay hindi siya magpapatawad.
“Iba-iba ang tao, di ba? Mayroon sa atin mabilis magpatawad, mayroong matagal at mayroon sa atin na dinadapa sa hukay ang galit,” aniya pa.
Pinaalalahanan pa ni VP Sara ang mga botante na maging matalino sa mga ihahalal na susunod na lider ng bansa at nagbabala na hindi porke galing sa kilalang political family ay otomatikong sila na ang dapat iboto.
Kailangang anyang suriin rin munang mabuti kung ang mga kandidato ay mayroon bang sapat na kakayahan bukod sa kanyang bitbit na apelyido.
Dagdag pa niya, iboto ang mga kandidato base sa kuwalipikasyon ng mga ito at hindi sa ayudang ibinibigay sa kanila.
- Latest