Roque, planong kasuhan sa ilegal na pagbiyahe
MANILA, Philippines — Planong sampahan ng kaso ng Bureau of Immigration (BI) si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, dahil sa umano’y posibleng ilegal na paglabas ng bansa.
Ito ay matapos na maghain ang kampo ni Roque sa Department of Justice (DOJ) ng counter-affidavit sa kinakaharap na kasong qualified human trafficking, na notaryado sa Abu Dhabi, UAE.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sa isinagawa nilang beripikasyon sa kanilang record, lumilitaw na posibleng sa ilegal na paraan nakalabas ng bansa si Roque dahil wala naman aniya itong ginawang pagtatangka na umalis ng bansa, sa pamamagitan ng formal channels.
Nagpahayag din ng paniniwala si Viado na posibleng may ilang tiwaling indibidwal na tumulong kay Roque upang makaalis ng Pilipinas.
Posible rin umanong pineke nito ang kanyang immigration clearances upang tanggapin sa destinasyong bansa, kaya’t kabilang aniya sa posibleng isampa nilang kaso laban kay Roque ay falsification of public documents.
Bantay-sarado rin aniya ang mga formal entry at exit points, at mayroon ring CCTV cameras ang lahat ng major international ports, kaya’t imposibleng doon dumaan si Roque.
- Latest