Paggamit ng ‘drone’ pinabubusisi sa Kamara
MANILA, Philippines — Naghain ng resolusyon si San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” P. Robes na humihiling na busisiin ang paggamit ng drone sa bansa upang matigil ang pag-abuso at hindi wastong paggamit nito ng mga walang konsensiyang indibiduwal na lumalabag na sa pribadong buhay, tulad ng nangyari sa miyembro ng kanyang pamilya.
Sa kanyang inihaing Resolution No. 2473, nanawagan si Robes sa House Committee on Transportation na magsagawa ng imbestigasyon bilang gabay sa paglikha ng batas upang matukoy ang kasalukuyang kalagayan ng paggamit ng drone sa bansa sa gitna ng napaulat na pag-abuso at hindi tamang paggamit nito na sumasaklaw na sa karapatan ng isang tao sa pribado nilang buhay, kaligtasan at seguridad.
Binanggit niya ang nakasaad sa Memorandum Circular No. 21 na may petsang Hunyo, 2014 na inilabas ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagsasaayos sa paggamit at operasyon ng unmanned aircraft venicles (UAV) sa bansa.
Idinugtong niya na bagama’t ang pagsasaayos sa paggamit nito ay hindi kinakailangan ang pagpaparehistro o permiso upang makapagpalipad ng drone bilang libangan, may itinakda namang lugar at pangyayari na kinakailangan ang lisensiya at rehistro para makapagsagawa ng operasyon.
Kamakailan lamang, sinabi ni Robes na naging biktima ang kanyang pamilya ng ilegal na operasyon ng drone nang may magpalipad nito sa paligid ng bahay ng kanyang mga magulang sa Bustos, Bulacan, na halos pumasok na sa kanilang kusina.
- Latest