Kamara hihingi ng tulong sa PSA, NBI at PNP sa pagberipika kay Mary Grace Piattos
MANILA, Philippines — Upang berepikahin at hanapin si Mary Grace Piattos, ang kontrobersyal na tumanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte ay hihingin ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang tulong ng Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Sa pagdinig noong Miyerkules, naghain ng mosyon si Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon na hingin ang tulong ng PSA upang maberepika ang mga kahina-hinalang pangalan na nakasulat sa acknowledgment receipt na ginamit upang bigyang katwiran ang paggastos ng confidential fund.
Pinagdudahan ang pangalang Mary Grace Piattos na katunog ng pangalan ng isang restaurant at brand ng potato chips.
Sa huling pagdinig, tinanong ni Bongalon si Gloria Camora ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng mga iregularidad sa isinumiteng AR ng Office of the Vice President upang bigyang katwiran ang paggastos sa confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Sinilip din ni Bongalon ang mga AR na nagkakahalaga ng P26.32 milyon na ang mga petsa ay bago pa man lumabas ang confidential fund ng OVP.
- Latest