ER sa NCR plus punuan pa rin
MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy pa rin ang mga mataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay puno pa rin ang kapasidad ng mga emergency rooms (ER) ng mga pagamutan sa National Capital Region (NCR).
Ito ang inihayag ni Philippine College of Physicians (PCP) vice-president Dr. Maricar Limpin, inaasahan na mararamdaman pa lamang ang pagpapatupad ng ECQ at MECQ sa NCR Plus sa susunod na dalawa o tatlong linggo.
Habang hindi ito nangyayari, pipilitin umano ng mga healthcare workers (HCWs) na kayanin ang sobrang load ng mga bagong pasyente.
Nanawagan si Limpin sa national na pamahalaan na magpatupad ng “long-term programs” tulad ng pag-digitalization sa contact-tracing, testing sa lahat ng tao na nalantad sa mga pasyenteng may COVID at pagpapaunlad ng referral system ng COVID-19 cases.
Hindi na rin umano epektibo ang ginagawa ng mga lokal na pamahalaan na “filled-up forms” sa contact tracing kaya kailangan na digitalized na ito.
Pakiusap din ni Limpin sa mga lokal na pamahalaan na ihatid ang ayuda sa mga benepisyaryo at hindi ang kabaligtaran na sila ang pinalalabas para makuha ang ayuda matapos ang mahabang oras sa pila kung saan nalantad na sila sa iba’t ibang tao.
- Latest