Sunog sumiklab sa Pasay: 4 patay!
MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi kabilang ang dalawang menor-de-edad habang dalawa ang sugatan sa sunog na naganap sa isang residential area sa Pasay City nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Pasay, ang mga nasawi ay kinabibilangan ng tatlong lalaki na 7, 14 at 40, at babeng 37-taong gulang.
Nagkaroon naman ng sugat o laceration sa kanang paa ang 18-anyos na si Gabriel Misolas, habang minor burn sa kanang kamay ang tinamo ng 58-anyos na si Irish Regas.
Nabatid na rumesponde sa sunog ang mga kagawad ng BFP bandang alas-4:32 ng madaling-araw sa Esteban Street, sakop ng Barangay 177 at idineklara ang first alarm ng alas-4:35 ng umaga.
Ayon sa BFP, umabot sa ikatlong alarma ang sunog pagsapit ng alas-4:48 ng madaling-araw, under control ng alas-6:10 ng umaga bago idineklarang fire-out dakong alas-7:23 ng umaga kahapon.
Umabot sa 14 na trak ng bumbero kabilang ang mga nagmula pa sa Mandaluyong, Maynila, Caloocan, Paranaque at Makati City ang tumulong sa pag-apula ng apoy. Dumating din ang isang rescue truck at isang ambulansya sa lugar.
Isang truck ng BFP ang nasira ang blinker nang mauwi naman sa marahas ang pagwawala ng mga residente sa pamimilit nila sa mga bumbero na unahin ang kanilang bahay na buhusan ng tubig.
Nasa 60 pamilya at 36 kabahayan ang naitalang apektado sa nasabing sunog na inaalam pa ng mga fire investigators ang sanhi at ang kabuuang danyos nito.
- Latest