Public officials dapat ideklara ang kayamanan at mga negosyo - Cong.Tulfo
MANILA, Philippines — Upang maging “transparent” ang kanilang pagse-serbisyo sa pamahalaan at mga Pilipino ay dapat na talagang ideklara ng lahat ng opisyal ng gobyerno, appointed man o elected, ang lahat ng kayamanan nila at mga negosyo ng kanyang pamilya.
Ito ang naging pahayag ni ACT-CIS Partylist Representative at kandidato ng “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” sa pagka-Senador Erwin Tulfo, nang tanungin sa isang press conference hinggil sa tanong kung papaano matitiyak ng taumbayan na malinis at walang bahid ng korapsyon ang isang nakaupong opisyal.
“Dapat ideklara ng bawat opisyal sa gobyerno kung saan nanggaling ang kanilang yaman at kung sakaling lumaki ito, ano ang dahilan bakit lumaki ang kayamanan nito habang nasa puwesto,” ani Cong. Tulfo.
Ayon pa sa mambabatas, dapat ideklara ng mga opisyal kung saan nanggaling ang pinambili ng mansyon o mamahaling sasakyan, maging ng mga simpleng gamit tulad ng mga alahas.
Nais din ng kinatawan ng ACT-CIS Partylist na pati ang mga naitayong negosyo ng pamilya ng opisyal ay ideklara rin at ipaliwanag kung saan nanggaling ang kapital para sa mga ito. “Kung hindi maipaliwanag ng isang public official kung saan galing ang pagdami ng pera at kayamanan habang nakaupo, red flag ‘yun at dapat imbestigahan ng Ombudsman,” pahabol ni Tulfo.
- Latest