‘Back-riding’ sa mag-asawa ok na
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Malacanang na mag-asawa lamang ang maaaring payagan na magkaangkas sa motorsiklo ngayong araw.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nang pormal na aaprubahan ng National Task Force for COVID-19 ang back riding na dapat ay may shield na unang ipinanukala ni Bohol Gov. Arthur Yap.
“Puwede na po ang back riding para sa mga mag-asawa. May shield na katulad ng prototype na pinanukala ni Bohol Governor Arthur Yap,” ani Roque.
Kailangan din aniya ay tumutupad sa minimum health standards katulad ng pagsusuot ng face mask at helmet at sumusunod sa speed limits.
Nilinaw din ni Roque na para lamang sa pribado ang back riding at hindi sa Angkas na ginagamit bilang pampublikong transportasyon dahil nawala na rin ang prangkisa nito.
Dapat din aniyang magpakita ng identification cards at zerox ng marriage contract ang magkaangkas na mag-asawa.
Ang pahayag ni Roque ay taliwas naman sa sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año sa isang panayam sa radyo na maaaring payagan na magka-angkas ang “common-law husband and wife” at boyfriend o girlfriend na nakatira sa iisang bahay basta’t makakapagpakita ng IDs na iisa ang address.
Katulad ng sinabi ni Roque, sinabi ni Año na dapat gayahin ang prototype model na isinumite ni Yap.
Matatandaan na kabilang sa ipinagbawal ng Inter-Agency Task Force Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, simula nang ipatupad ang quarantine ang pag-angkas sa motorsiklo dahil mahirap masunod ang social distancing.
- Latest