Mag-utol malakas magpatugtog ng videoke, sinaksak
1 dedbol…
MANILA, Philippines — Isang lalaki ang nasawi habang nasa kritikal na kondisyon ang kapatid nito matapos ataduhin nang saksak ng isang miyembro ng Bantay Bayan na nagalit sa malakas na pagpapatugtog ng videoke habang nag-iinuman, naganap kamakalawa ng gabi sa LRTA Subdivision, Brgy. Santiago, Gen. Trias City, Cavite.
Kinilala ang nasawi na si James Bryan Luna, 34, residente ng LRTA Subdivision Brgy. Santiago. Habang inoobserbahan sa ospital ang kapatid nito na kinilalang si Aldrin Toribio, 19, ng Brgy. Malagasang, Imus City, Cavite.
Tumakas naman ang suspek na kinilala sa alyas na Johnson, nasa hustong gulang, Bantay Bayan member na kapitbahay ng magkapatid.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-11:00 ng gabi ay nag-iinuman ang magkapatid kasama ang iba pang kamag-anak na nagbi-videoke.
Dahil sa hatinggabi na at nakakaistorbo na sa mga kapitbahay ay pinuntahan na ito ng suspek upang sawayin at sabihan na masyadong malakas ang videoke nila.
Subalit binalewala ito ng magkapatid at sinugod pa umano ang suspek na nauwi sa rambulan at dito na nakadampot ng patalim ang suspek at hinalihaw ng mga saksak ang magkapatid.
Duguang bumalagta ang mga ito habang mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang patalim na gamit.
Kapwa itinakbo sa pagamutan ang magkapatid, subalit nasawi si James, habang si Aldrin ay patuloy na inoobserbhan.
- Latest