Pahalik sa Jesus Nazareno, nagsimula na
MANILA, Philippines — Dumagsa na kahapon ang mga mananampalataya sa Quirino Grandstand sa Maynila kasunod na rin nang pormal na pagsisimula ng ‘Pahalik’ para sa Poong Nazareno.
Base sa orihinal na iskedyul, sisimulan sana ang Pahalik ganap na alas-12:00 ng madaling araw ng Martes.
Gayunman, nagpasya ang mga otoridad na maagang simulan ang aktibidad matapos ang idinaos na banal na misa para sa mga volunteers ng pista, dahil dagsa na ang mga nakapilang deboto sa lugar.
Ayon kay Manila Police District (MPD) chief PBGen. Thomas Ibay, hatinggabi pa lamang ay nasa 600 deboto na ang nasa venue ngunit bahagya aniya itong nabawasan pagsapit ng alas-7:00 ng umaga.
Inaasahan naman ni Ibay na lalo pang dadami ang mga taong pipila para sa Pahalik ngayong Miyerkules hanggang Huwebes, kung kailan idaraos naman ang Traslacion 2025 o ang prusisyon upang ibalik sa Quiapo Church ang imahe, na inaasahang lalahukan ng millyun-milyong deboto.
Bagama’t tinatawag na ‘Pahalik’ ang aktibidad, hinikayat naman ng mga opisyal ng simbahan at ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga deboto na huwag nang halikan ang imahe ng Itim na Nazareno at sa halip ay magdala na lamang ng panyo at tuwalya upang punasan ito.
Ayon kay Nazareno 2025 Feast Adviser Alex Irasga, dapat na mag-sanitize ng mga kamay ang mga deboto bago at matapos hawakan ang imahe upang maiwasan ang posibleng hawahan ng virus at iba pang karamdaman.
- Latest