Panawagang suspendihin ang SSS increase rate, tinabla
MANILA, Philippines — Itinabla ng pamunuan ng Social Security System (SSS) ang mga panawagan na suspendihin o ipagpaliban ang dagdag na pangongolekta ng kontribusyon sa mga miyembro nito dahil sa sunud-sunod na naranasang kalamidad sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni SSS President Robert Joseph de Claro na kailangan sumunod sa batas alinsunod sa nakapaloob na probisyon ng Republic Act 111199 o ang Social Security Act of 2018 na dapat matapos ngayong 2025 ang pagtaas sa sinisingil sa mga miyembro ng SSS.
Sinabi ni De Claro na kapag ipinagpaliban ang paniningil ng dagdag kontribusyon ay mahihirapan ang mga miyembro na makuha ang benepisyong dapat nilang matanggap.
Ayon sa opisyal, naintindihan nila ang concern ng ibang grupo subalit ang hamon dito ay ang mga miyembro ang maapektuhan kapag ipinagpaliban ang dagdag singil sa kontribusyon.
Idinagdag pa ni De Claro na malaki ang magiging pakinabang ng mga miyembro kapag nagretiro dahil magiging tubong lugaw ito mula sa P30 kada araw o katumbas ng P190 kada buwan na dagdag sa kanilang kontribusyon.
Tiniyak ni De Claro na ito na ang huling taas-kontribusyon sa SSS dahil wala nang ganitong hakbang sa hinaharap.
- Latest